MANILA, Philippines — Naghain na ng kanyang counter-affidavit ang negosyanteng si Cedric Lee para sa reklamong tax evasion na isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sinabi ni Lee sa kanyang kontra-salaysay na bagama’t siya ang presidente at CEO ng kumpanyang Izumo Contractors, hindi niya alam kung magkano ang aktwal na kinita ng kumpanya.
Wala rin umano siyang kinalaman sa paghahanda ng income tax returns (ITR) ng kumpanya dahil lubos nila itong ipinagkakatiwala sa kanilang accountant.
Hiniling ni Lee na i-dismiss ng Department of Justice (DOJ) ang reklamo na wala umanong basehan at gawa-gawa lamang.
Ayon sa reklamo ng BIR, umaabot sa P194-million na buwis ang dapat bayaran ng kumpanya ni Lee.
Itinakda naman ng DOJ sa Mayo 23 ang susunod na preliminary investigation hearing. (UNTV News)