MANILA, Philippines — Pinaaalalahanan ang mga dayuhan kabilang ang kababayan nating Pilipino sa ipinairal na crackdown sa mga pumapasok at lumalabas sa land borders ng Thailand.
Simula nitong Lunes , ipinatigil na ng Thai immigration ang visa run o ang round trip exit-entry sa mga border na ginagawa ng mga dayuhan upang makakuha ng 15 to 30 days visa.
“Malaki po ang epekto nito sa mga Pilipino dito kasi karamihan ng mga Pinoy dito 15 to 30 day visa ang kinukuha, so mostly hindi sila kumukuha ng tourist visa at yung mga kompanya dito hindi lahat nagbibigay ng working permit,” saad ng OFW na si Kyle Clavel.
Dagdag pa niya, “Kung ipagbabawal nila yun malaking kawalan yun sa mga Pinoy dito siguro magsiuwian nalang sila kung ganun ang mangyari.
Ayon sa immigration bureau, tumataas na ang bilang ng mga dayuhan na ginagamit ang tourist visa upang iligal na magtrabaho sa bansa.
Kadalasan umanong gumagawa nito ay ang mga westerner na nagsa-sideline bilang English teacher.
Ang crackdown ay ipatutupad, lalo na sa mga dumadaan sa land borders.
Ang mga immigration officer ay binigyan ng kapangyarihan na i-interrogate ang sinumang turista at depende sa opisyal kung ilang araw ang ibibigay nitong visa, o kung tuluyan na itong pagbabawalang makapasok ng bansa.
Kung walang balidong dahilan, ang isang turista ay kailangang mag-apply ng kaukulang tourist o non-immigrant visa, bago makapasok.
Posible rin naman na tuluyan na siyang ma-ban sa pagpasok sa Thailand.
Ang Thai tourist visa ay nagkakahalaga ng 1900 Baht o katumbas ng P2,500. (Mary Jo Maleriado / Ruth Navales, UNTV News)