MANILA, Philippines — Premature disclosure at hindi malinaw para kay Justice Secretary Leila De Lima kung kanino, saan o kung pinayagan ba ng Senate Blue Ribbon Committee na maisapubliko ang hindi pirmadong listahan na naglalaman ng mga pangalan ng mga mambabatas na umano’y sangkot sa pork barrel scam noong Martes.
“I can tell you, whatever is that list, it didn’t come from me or anyone in the DOJ, so kaniya-kaniya nang labas, na hindi tama yung ganun kasi listahan is listahan, an unsigned affidavit is an unsigned affidavit, anong mga value niyan.”
Inihayag din ni De lima na naisumite na sa kaniya kahapon ang pirmado at notarized na initial affidavit ni Napoles.
Nilalaman nito ang mga naging transaksyon ni Napoles sa mga mambabatas na una nang kinasuhan sa Office of the Ombudsman partikular na ang tatlong senador at dating limang kongresista gayundin ang mga kinasuhan sa Malampaya fund scam.
“It covers only yung supposed transactions niya with the lawmakers already charged dun sa first batch,” ani De Lima.
Dagdag pa nito, hinihintay pa ng DOJ ang kumpleto at extended affidavit ni Napoles na naglalaman ng buong listahan kabilang ang mga hindi pa kasama sa mga nakasuhan na.
Sinabi rin ni De Lima na sa sobrang dami ng datos at impormasyon ng affidavit at listahan ay malabo itong matapos hanggang Mayo 15, 2014 – Huwebes, ang deadline na ibinigay sa kanya ng Senate Blue Ribbon Committee.
Nilinaw din ng kalihim na walang kinalaman ang DOJ at NBI sa pagkumpleto ng affidavit ni Napoles at hinihintay lang nila ito para sa vetting process.
“I’m just being consistent with our policy or with our stand na hindi kami pwedeng nagne-name ng names until ready na kaming mag-file ng kaso,” pagdidiin ni De Lima. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)