
Ang ibinigay ng pamahalaan na pondo para sa CHED na nagkakahalaga ng P7.4 Billion para sa student financial assistance program nito. (UNTV News)
MANILA, Philippines — Nagpalabas ng pondo ang pamahalaan na nagkakahalaga ng P7.4 billion para sa 344,000 na mahihirap at deserving college students ngayong school year 2014-2015.
Nakapaloob dito ang state scholarship program, grants-in-aid, at study now pay later plan.
Ayon kay Commission on Higher Education (CHED) Executive Director Julito Vitriolo, sakop din ng pondo ang mga dating iskolar ng mga mambabatas galing sa pondo ng inabolish na Priority Development Assistance Fund (PDAF).
“Pero yung 344,000, yan yung bago na scholarship student financial assistance na anyone including yung mga dating scholar nila can avail of as long as they follow our guidelines.”
Ayon sa CHED, kabilang sa mga maaaring makakuha ng financial assistance grant ay ang mga Filipino high school graduate, candidate for high school graduation, mga nakakuha na ng units sa college at maging ang mga passer sa alternative learning system (ALS) at Philippine Educational Placement Test (PEPT).
Dapat ay may passing grade, ang mga magulang ay may annual gross income ng hindi hihigit sa P300-libo kada taon at hindi pa nakakapag-avail sa anumang scholarship at financial assistance program ng CHED at hindi rin nakapagtapos ng anumang kurso sa college.
“Iga-guarantee namin sa mga SUCs and private schools, babayaran ng CHED yan kasi nandyan na yung pera pagdating ng enrollment dapat tanggapin sila ng SUCs at private,” saad pa ni Vitriolo.
Ayon sa CHED, ngayong taon ay tinatayang nasa tatlong milyong estudyante ang nasa pribado at pampublikong kolehiyo at mahigit sa 400-libo rito ang tinutulungan ng pamahalaan. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)