
MANILA, Philippines – May sarili nang novel coronavirus disease (COVID-19) testing facility ang Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP deputy chief for administration Lieutenant General Camilo Cascolan, sinertipikahan na ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ng Department of Health (DOH) ang kanilang testing center at license to operate na lamang ang hinihintay para ganap itong mabuksan.
Ani Cascolan, ang Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) facility ng PNP ay inaprubahan bilang independent testing center noong Mayo 13.
Nakumpleto rin ng PNP ang requirement na 15 tauhan na mag-ooperate ng RT-PCR facility.
Pansamantala itong ipu-puwesto sa PNP Crime Laboratory sa Camp Crame habang hindi pa tapos ang 84-square meter na pasilidad sa likod ng PNP Health Service.
Ayon sa opisyal, prayoridad sa testing ang pulis na dumu-duty sa checkpoints at nagpapatupad ng seguridad sa Metro Manila.
“Unahin natin mga kapulisan natin lalo na ang mga frontliner. We need to be sure of our PNP first and then it will be continuing,” ani Cascolan.
Bubuksan din naman ang pasilidad sa mga sibilyan kapag natapos nang i-test ang mga tauhan ng PNP.
“Anytime, kung makuha na yung mga kapulisan natin pwede na yung mga sibilyan pumasok syempre,” ani Cascolan.
Bukod sa Camp Crame, plano rin ng pulisya na magbukas ng COVID-19 testing center sa police regional offices sa Davao at Cebu.
“They should coordinate with their local government to help them out to come up with the artificial laboratory like doon sa mga regions nila para maka-cater sa mga pulis,” ani Cascolan.
Sa huling tala ng PNP Health Service, umabot na sa 260 ang bilang ng mga pulis na nag-positibo sa coronavirus disease.
Nasa 788 probable at 574 suspect cases naman ang binabantayan sa ngayon.
Sa nag-positibo sa COVID-19, walumpu’t apat (84) ang gumaling habang apat naman ang nasawi. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Lea Ylagan)
The post PNP, nagbukas ng sariling COVID-19 testing center appeared first on UNTV News.