
MANILA, Philippines – Nananawagan sa pamahalaang panlungsod ng Caloocan ang ilang residente sa Barangay 12 Dagat-Dagatan na bigyan sila ng ayuda matapos mapalawig ang lockdown sa kanilang lugar.
Ayon sa ilang residente, hindi nila napaghandaan ang extension ng barangay lockdown kaya kulang na ang supply ng kanilang pagkain.
Hindi naman sila makalabas ng bahay upang mamili ng kanilang mga kailangan.
“Paano na ang buhay namin? May tindahan sarado, bawal mamalengke. Ang pagkain namin isang linggo lang ang naka-stock e bawal po kami palabasin e,” daing ng residenteng si Angelina Duque.
Aniya, kasama niya sa bahay ang kanyang mga apo na higit na kailangang mabigyan ng pagkain kaya’t naisip niyang magpaskil sa labas ng bahay ng mga pangangailangan ng mga bata.
Ang residenteng si Zaldy Beltran, idinaing rin ang umano’y walang abisong pagpapalawig ng lockdown sa kanilang barangay.
“Siyempre hindi namin ineexpect na ganito. So talagang naalarma kami. Di namin alam na biglang ano ganito na ang sitwasyon,” ani Beltran.
Nanindigan naman si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na hindi nila pinapabayaan ang kanilang mga residente at patuloy ang pamimigay nila ng relief packs.
Iginiit rin niyang para sa kapakanan ng mga residente ang pagsasailalim sa lockdown ng mga barangay lalo na sa mga may matataas na kaso ng novel coronavirus disease.
“Namimigay kami ng relief, hindi namin pababayaan… Ang mga barangay na idineklara natin na lockdown ito po ay para sa inyo, para sa ganun ay hindi na lumaganap ng husto sa inyong mga barangay,” ani Malapitan.
Nasa 34,000 ang bilang ng mga residente sa Barangay 12 at mahigit 50 rito ang kumpirmadong dinapuan ng COVID-19.
Samantala, isinailalim naman simula ngayong araw sa extreme enhanced community quarantine ang Barangay 28 sa Caloocan City matapos makapagtala ng 28 active cases batay sa datos noong May 23. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Aiko Miguel)
The post Ilang residente sa Caloocan, umaapela ng ayuda matapos palawigin ang lockdown sa kanilang barangay appeared first on UNTV News.