
MANILA, Philippines – Naghahanda na ang pamunuan ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para sa posibleng pagbubukas ng operasyon nito.
Nanatiling sarado ang nasabing bus terminal kahit nasa general community quarantine (GCQ) na ang Metro Manila.
Bilang paghahanda sa ‘new normal’, naglagay na ang PITX ng visual cues sa loob at labas ng terminal para malaman ng mga pasahero kung saan sila pupuwesto.
May foot bath ring nakalagay sa bawat entrance ng terminal at lahat ng papasok ay kukunan body temperature.
May isolation facility rin at may itatalagang medical personnel ang terminal na magbabantay sa mga pasaherong makikitaan ng sintomas ng COVID-19.
Obligadong magsuot ng face mask ang mga pasahero at may nakalaan ring sanitizers para sa kanila.
May nakakabit na ring plastic barrier sa reception at ticketing booth para maiwasan ang direct contact at may tali ang pagitan ng mga upuan ng mga pasahero para mapanatili ang social distancing.
May PITX app rin na maaaring i-download ng mga pasahero para sa booking ng ticket.
“Through PITX app, kapag naka-register na po kayo dyan, hindi na po namin kayo kukunan ng information everytime na pupunta kayo ng ticketing system namin. All you have to do is just flash yung QR code nyo papasok sa turnstile namin at makakasakay na po kayo,” ani Joseph Michael Santos, ang general manager ng PITX.
Sa kabila nito, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na pinag-aaralan pa kung maaaring buksang muli ang operasyon ng terminal.
Paliwanag ni Transportation Assistant Secretary Goddess Hope Libiran, gradual o dahan-dahan ang gagawing pagbubukas ng public transportation operation upang maiwasan ang second wave ng COVID-19 infections. 9.
“Kami sa DOTr at LTFRB, naiintindihan namin yung plight ng ating mga commuters pero kasi kailangan rin nating isipin na yung sitwasyon natin ngayon eh hindi normal… Hindi naman sa isang iglap pwede na nating palabasin lahat ng sasakyan,” ani Libiran.
Sa PITX, nagbababa at nagsasakay ng pasahero ang mga bus na biyaheng Cavite, Batangas, Bicol, at iba pang bahagi ng Southern Luzon.
Sa ngayon, ginagamit lang ang PITX ng overseas Filipino workers (OFW) na pauwi sa kani-kanilang mga lalawigan matapos dumaan sa quarantine. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Joan Nano)
The post Balik-operasyon ng Parañaque Integrated Terminal Exchange, pinag-aaralan pa – DOTr appeared first on UNTV News.