
MANILA, Philippines – Kakaunti lamang ang bilang ng mga buntis na pumupunta sa mga ospital upang magpa-check up at manganak mula nang mangyari ang krisis sa novel coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, batay ito sa impormasyon na natatanggap nila mula sa iba’t ibang ospital sa bansa.
“Maraming ospital ang may feedback na iyong panganganak ay hindi katulad ng dati. Maaari ring brought about by fear in going to hospitals for our pregnant women,” ani Vergeire.
Paalala ng DOH sa mga buntis na huwag kalilimutang magpa-konsulta upang hindi mapabayaan ang kanilang kalusugan, pati na ng kanilang dinadalang sanggol.
Ayon sa ahensiya, ang palagiang konsultasyon ay upang maagapan ang anumang isyu sa kalusugan na maaaring magresulta sa mortality o pagkamatay ng sanggol o kaya ay ng nanay.
Payo ng DOH sa mga buntis, maaari silang tumawag sa telemedicine hotline ng ahensiya upang kumonsulta nang hindi na kailangan pang pumunta ng personal sa ospital o klinika sa gitna ng banta ng COVID-19.
Paalala rin ng kagawaran na mas mainam pa ring manganak sa ospital o kaya ay sa lying-in clinics sa halip na sa bahay upang matiyak ang kaligtasan ng mag-ina.
“Ang panganganak sa bahay ay hindi safe. Atin itong dini-discrourage kasi unang-una ‘yung sterility ng lugar, iyong ginagawa ng mga komadrona ay minsan hindi sila lisensyado,” ani Vergeire.
“Pagkatapos kapag nagkaroon ng kumplikasyon bago nila madala doon sa referral facility, too late na at saka ito ang nagko-comprise ng maternal mortalities natin in the past, malaking porsyente ang mga nanganganak sa bahay,” dagdag pa niya.
Iniulat rin ng kagawaran na tumaas ang bilang ng mga “unintended pregnancies” sa gitna ng coronavirus pandemic.
“Mayroong kasing mga studies na ginawa ngayon all over the world. May ginawa silang mga survey and estimation that they are really saying because of disruption of family planning services, meron tayong ini-estimate na up to 7 million unintended pregnancies if this lockdown continues in the next 6 months,” ani ng opisyal.
Kaya payo ng kagawaran sa mga mag-asawa, mag-ingat at planuhing mabuti ang pagbubuntis. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Aiko Miguel)
The post Mga buntis na nagpapa-konsulta at nanganganak sa ospital sa gitna ng COVID-19 crisis, kakaunti lang – DOH appeared first on UNTV News.