Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Online sellers, maaaring makakakuha ng benepisyo kung magpaparehistro – DOF

$
0
0

MANILA, Philippines – Pinawi ng Department of Finance (DOF) ang pangamba ng ilang online sellers hinggil sa panawagan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ipa-rehistro ang kanilang negosyo hanggang July 31.

Ayon sa DOF, hindi dapat matakot ang online sellers dahil may maganda namang epekto sa pagpapatakbo ng negosyo ang pagpaparehistro nito.

Ayon kay DOF Assistant Secretary Antonio Lambino II, kung lehitimo at rehistrado sa BIR ang isang online seller ay maaari silang makakuha ng benepisyo mula sa pamahalaan.

Kabilang aniya rito ang loan application na may mababang interes na alok ng Department of Trade and Industry, pati na ang wage subsidy program ng DOF para sa mga empleyado ng maliliit na negosyo.

Binigyang-diin rin ni Lambino na hindi pagbabayarin ng buwis ang maliliit na online sellers o kumikita ng mas mababa sa P250,000 sa loob ng isang taon.

Sa halip, nais lamang ng pamahalaan na maipatupad ng tama ang mga probisyong nakasaad sa Internal Revenue Code ng bansa.

“It is not only a requirement and an act of good citizenship it also comes with benefits… Hindi po natin layunin na habulin ang lahat ng nga online seller para sa mga taxes. Ang gusto lang po talaga natin masunod ang batas that is actually applicable to all na nagnenegosyo,” ani Lambino.

Una nang sinabi ng DTI na bukod sa pagpapaibayo sa consumer protection, malaking tulong rin ang registration ng online sellers para sa binabalangkas na electronic commerce (eCommerce) road map ng pamahalaan.

Ayon sa DTI, mas mainam na may database ang online sellers upang mabigyan sila ng boses at maisama sa konsultasyon pati na rin sa implementasyon ng eCommerce programs.

Payo sa online sellers na magpaparehistro, pumunta lang sa pinakamalapit na BIR office sa kanilang lugar dala ang mga sumusunod na requirement:

  • Valid government IDs
  • Certificate of Business Name Registration na makukuha sa DTI
  • P500 para sa processing fee
  • P30 para sa documentary stamp tax

Paalala ng BIR, hindi na kailangang kumuha ng Mayor’s permit para sa registration ng online sellers.

Maaaring makuha sa mismong araw ng aplikasyon ang Certificate of Registration mula sa BIR.

Hanggang July 31 puwedeng magpa-rehistro ang online sellers sa BIR pero wala namang ipapataw na penalty kung mahuhuli sa deadline.

Babala naman ng ahensya, maaaring pagmultahin ang online sellers na hindi magpaparehistro, lalo na ang malalaking online services na kumikita ng mahigit sa P250,000 kada taon.

Kapag nahuli ka magbabayad ka ng penalty kasi patuloy kang nagnenegosyo hindi ka nagrerehistro… Bawal po ‘yun, kailangan magrehistro ka at magbayad ka ng buwis,” ani BIR deputy commissioner Arnel Guballa. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Joan Nano)

The post Online sellers, maaaring makakakuha ng benepisyo kung magpaparehistro – DOF appeared first on UNTV News.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481