Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Pamamahagi ng SAP 2nd tranche sa Metro Manila, tatapusin ngayong linggo – DILG

$
0
0

MANILA, Philippines – Posibleng makumpleto ngayong linggo ang pamamahagi ng ikalawang bugso ng emergency subsidy ng pamahalaan sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP), ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Batay sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), aabot na sa P69.2 bilyong pondo ang naipamahaging para sa 9,771,490 benepisyaryo ng program.

Ayon sa DILG, target ng kagawaran na mabigyan ng ayuda ang nasa halos 12 milyong pamilya bago o pagdating ng Agosto 15.

“Kahapon nag-commit ang DSWD na ibibigay yan sa loob ng linggong ito sa lahat ng benepisyaryo so timing na timing kasi pag sinasabing MECQ hindi makapagrababaho ang tao nandyan ang national para ibigay yung second tranche,” ani DILG spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya.

Ang mga hindi nakatanggap sa unang bugso ng ayuda o ang mga tinatawag na ‘waitlisted’ ay P16,000 ang makukuha.

Kasama rin sa programa ang mga tsuper ng jeep na ilang buwan na ring hindi nakakapamasada dahil sa ipinatutupad na community quarantine sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Digital ang pamamahagi ng ayuda sa pamamagitan ng automated teller machine (ATM) card o kaya ay GCash na isang mobile wallet platform na ginagamit sa bansa.

Naniniwala si Malaya na malaking tulong ito sa mga pamilya na mawawalan ng kita dahil sa muling pagsailalim sa modified enhanced community quarantine ng Metro Manila at mga karatig-lugar.

Kaugnay nito, nagbabala naman ang DILG sa publiko na mag-ingat sa naglipana umanong text scam na ginagamit ang SAP.

“Hanggang sa umagang ito, may naloloko sa text dahil sa scam ng social amelioration program. Kami ay nanawagan as taongbayan na pagka nakatanggap kayo ng text at sinasabing taga-DSWD na nag-text sa inyo at kailangang ibigay niyo ang pin huwag na huwag niyong ibibigay ang pin,” ani Malaya. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Dante Amento)

The post Pamamahagi ng SAP 2nd tranche sa Metro Manila, tatapusin ngayong linggo – DILG appeared first on UNTV News.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481