
MANILA, Philippines – Nagsagawa ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng nationwide simultaneous earthquake drill ngayong Huwebes.
Ngunit hindi katulad dati, virtual o online lamangito ginawa dahil sa banta ng novel coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Mark Timbal, ang tagapagsalita ng NDRRMC, alinsunod ito sa mga ipinatutupad na panuntunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) sa pagsasagawa ng mass gathering sa gitna ng pandemya.
“Kailangan po talaga natin sumunod doon sa mga reglamento na bawal ang mga mass gathering at saka yung ating social distancing or physical distancing requirements,” ang sabi ni Timbal.
Ala-una ng hapon sinimulan ang programa kung saan tinalakay ang mga kahandaan sa mga sakuna, partikular na ng lindol.
Kasama rin sa mga napag-usapan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng go bag na naglalaman ng mga mahahalagang gamit at pagkain sa panahon ng sakuna.
Pagpatak naman ng alas-dos ng hapon, idinaos naman ang isang ceremonial pressing of the button na hudyat ng pagsasagawa ng duck, cover and hold procedure.
Nakiisa rito ang ilang tauhan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan pati na ang ilang netizen na nag-post ng kanilang mga larawan sa social media.
Ayon kay Timbal, itinuloy nila ang pagsasagawa ng drill dahil hindi pa rin naman nawawala ang posibilidad na magkaroon ng lindol sa gitna ng nararanasang pandemya.
“Napapansin po natin sa mga balita na sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas, may mga nagaganap rin po na mga lindol. Ibig sabihin po ang mga panganib na kinahaharap noon ay hindi pa rin nawawala habang may pandemic,” ani ng opisyal.
Layunin rin ng drill na maipalala sa publiko ang palagiang paghahanda sa posibleng pagdating ng mga sakuna at kalamidad. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Vincent Arboleda)
The post NDRRMC, nagsagawa ng online earthquake drill appeared first on UNTV News.