
MANILA, Philippines — Pagkakalooban ng pamahalaan ng ayuda ang mga pamilyang maaapektuhan ng ipatutupad na granular lockdown sa ilalim ng kapapasa lamang na Bayanihan 2 Law.
Ang granular lockdown ay ang pagsasara ng isang compound, kalsada, sitio, purok o barangay na may naitatalang mataas na kaso ng coronavirus disease (COVID-19) transmission sa halip na isang buong lungsod o probinsya.
Batay sa Bayanihan to Recover as One o mas kilala sa Bayanihan 2 Law, P5,000 hanggang P8,000 ang matatanggap ng mga apektadong residente bilang emergency subsidy ng pamahalaan.
Ito ay bahagi ng P13B na pondong nakapaloob sa nasabing batas sa ilalim ng cash-for-work program para sa mga displaced worker.
Subalit ang pagpili sa mga tatanggap ay dadaan sa masusing validation at tutukuyin rin kung may iba pang ayuda na natatanggap ang isang pamilya gaya ng conditional cash transfer assistance at rice subsidy.
“Magbibigay po tayo ng P5,000 to P8,000 na ayuda doon sa mga mamamayan na mapapasaloob po ng granular lockdown na idedeklara ng mga local na pamahalaan,” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
“Bukod po dito, iyong balance po ng P13-billion ay ibibigay po natin sa mga nawalan ng trabaho at ibibigay po ng DOLE at magbibigay po tayo ng tulong sa mga nais magkaroon ng training para magkaroon pong muli ng bagong trabaho,” dagdag nito.
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas at magiging epektibo ito 15 araw matapos mailathala sa pampublikong pahayagan o official gazette.
The post Mga pamilyang maapektuhan ng granular lockdown, tatanggap ng P5K-P8K ayuda sa ilalim ng Bayanihan 2 appeared first on UNTV News.