
MANILA, Philippines – Sang-ayon ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa desisyon ng mga alkalde sa Metro Manila na isara ang mga sementeryo sa panahon ng undas, lalo na sa mga lugar na may mataas na kaso ng coronavirus disease (COVID-19) infections.
Ayon kay PNP chief General Camilo Cascolan, dapat lang na isara ang mga sementeryo sa Kalakhang Maynila sa darating na undas upang maiwasan ang siksikan ng mga tao at posible pang pagkalat ng nakahahawang COVID-19.
“Depende rin naman kung saang mga areas of concern natin with regard to COVID. Maganda talaga sa NCR tama yun, nagsarado na ng sementeryo,” ani Cascolan.
Sa mga lugar namang mananatiling bukas ang mga sementeryo, ipauubaya na ni Cascolan sa mga hepe ng regional police ang gagawing pagbabantay upang masegurong nasusunod ang ipinatutupad na minimum health protocols.
“Ibig sabihin, we are coming up already with a lot of things that are not normal before but it becomes a new normal. So all regions will defer from each other depending on the infection or the pandemic,” ayon sa PNP chief.
Una nang sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority na nagkasundo ang Metro Manila Council na isara ang lahat ng sementeryo sa panahon ng undas.
Posibleng ilabas ngayong linggo ang mga panuntunan kung hanggang kailan isasara ang mga sementeryo. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Lea Ylagan)
The post PNP, suportado ang pagsasara ng mga sementeryo sa Metro Manila ngayong undas appeared first on UNTV News.