MANILA, Philippines — Bumagsak nang husto ang satisfaction ratings ng mga kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino III sa dalawang kapulungan ng kongreso, sa harap ng pagkakasangkot ng ilang mambabatas sa kontrobersyal na 10-billion peso pork barrel fund scam.
Ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS), ito na ang pinakamamababang grado sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Nanatili sa moderate ang grado ni Senate President Franklin Drilon sa kabila ng pagbaba nito mula sa +25 noong Disyembre ng nakaraang taon sa +17 nitong Marso.
Bumagsak naman ang net satisfaction rating ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. mula sa moderate na +16 sa neutral na -1.
Sa kabuuan, bumaba ang grado ng senado na ngayon ay nasa moderate na +26 na lamang mula sa good na +33, habang +18 na lamang sa kongreso mula sa +26.
Si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ay bumaba rin ang grado mula sa moderate na +16 sa neutral na +4.
Samantala, tanging si Vice President Jejomar Binay lamang ang umangat ang satisfaction rating. Mula sa very good na +62 rating nito noong Disyembre, tumaas na ito sa excellent na +73 nitong Marso. Ito na ang pang-apat na beses na nakakuha ng excellent na grado si Binay.
Hindi naman nababahala ang Malacañang sa pagbaba ng grado ng mga kaalyado sa latest SWS survey.
“We are… We are all working hard for this government. So 2016 may be around the corner but we have not—we are not focused on 2016. We are focused on governance. We certainly welcome the numbers of Vice President Binay and so we’ll just… but, again, if it’s a cause for concern, no, it’s not a cause for concern for us”, pahayag ni Presidential Spokesperson Secretary Edwin Lacierda.
Dagdag pa nito, “If you look at the surveys also—president, vice president—historical ang… mas mataas ang vice president and also… well, that’s basically that. we’ve asked also the survey experts. it’s always historical. save for a few exceptions, but it’s always historical.”
Isinagawa ng SWS ang survey noong Marso 27 hanggang 30 sa isang libo at dalawang daang matatandang respondents sa Metro Manila, at mga piling lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao. (Bianca Dava, UNTV News)