
MANILA, Philippines – Nakatakdang buksan sa Nobyembre 27 ang unang night market sa Metro Manila kasunod ng ilang buwang suspensiyon bunsod ng coronavirus pandemic.
Bubuksan ang night market sa Baclaran kaya mahigpit itong pinaghahandaan ng lokal na pamahalaan ng Pasay.
Ayon kay Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano, bahagi ng ginagawa nilang paghahanda ang pagsasagawa ng clearing operations at paglalagay ng alternatibong pwesto para sa mga illegal sidewalk vendor.
May itinatayo mga bagong stall sa kahabaan ng Roxas Bouelvard sa Baclaran para sa mga vendor na walang lehitimong pwesto sa pamilihan.
“Pati yung safety and protection ng mga mamamayan lalo na kung may emergency na dati, walang madaanan. Ang tagal-tagal pa makadating ng bumbero or ng mga ambulansya. Pero noong time na-clear, sila mismo, mga taong nakatira doon sa mga lugar, na-appeciate po yung kagandahan ng clearing operation,” ang wika ng opisyal.
“Sana makita nila na hindi naman namin sila inalis lang tapos wala na. Mayroon kaming ino-offer na mga lugar para pagtindahan nila at hindi malayo,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Calixto-Rubiano na istrikto nilang ipatutupad ang health protocols kontra COVID-19 dahil sa posibilidad na dumagsa ang mga mamimili kaugnay ng nalalapit na holiday season.
“Mayroon po yung color-coding na kung kailan sila magtitinda and then, mayroon pa rin pong physical distance even the stalls. Tapos po may entry point lang kaming in-assign at mayroon kaming mga thermometer, mga handwashing,” ang pahayag ng alkalde.
Pakiusap ni Calixto-Rubiano sa publiko na makiisa at makipag-tulungan sa pamahalaan para sa kaayusan at kaligtasan ng mas nakararami. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Asher Cadapan Jr.)
The post Pagbubukas ng Baclaran night market sa Nov. 27, pinaghahandaan ng Pasay LGU appeared first on UNTV News.