Clik here to view.

MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief General Debold Sinas na may hawak silang bagong listahan ng mga pulis na umano’y sangkot sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.
Sa ekslusibong ulat ni UNTV Correspondent Lea Ylagan, sinabi ni Sinas na may ranggo ang mga pulis na nakasama sa listahan ngunit tumanggi siyang tukuyin ang mga ito, kung saan naka-assign pati na ang pangalan ng mga tinaguriang narco-cops.
“Halo na po yan. Kaunti na lang yan pero hindi na muna namin pangalanan at sabihiin ang ranggo kasi baka magtanungan eh,” ang pahayag ng hepe ng pambansang pulisya.
Ayon kay Sinas, ang listahan ay batay sa nakalap na intelligence report patuloy pa itong isinasailalim sa validation process.
Isasalang din aniya ito sa adjudication process gaya ng ginawa sa termino ng nag-retiro nang si PNP chief General Archie Gamboa.
Sa panahon ni Gamboa, aabot sa 357 pulis ang napabilang sa sinasabing narco-list.
“Ito lang naman ay more on intelligence report, bina-validate, evaluated, confirmed, re-confirmed… Ganoon po ang proseso natin. Pagdating sa DI ay ina-adjudicate kung totoo nga o hindi para finally remain them in the list or to remove them,” ang wika ni Sinas.
Sakaling makumpirmang sangkot nga sa operasyon ng iligal na droga ang mga nasa listahan at may sapat na ebidensiya at testigo ay sasampahan ang mga ito ng kaukulang kaso. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Lea Ylagan)
The post PNP, may bagong listahan ng narco-cops – Sinas appeared first on UNTV News.