MANILA, Philippines — Maganda ang naging bunga ng disaster preparedness ng pamahalaan ayon kay Vice President Jejomar Binay.
Katunayan, agad naisalba ang maraming buhay sa pamamagitan ng pre-emptive evacuation na isinagawa sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ito ang bahagi ng pahayag ng pangalawang pangulo sa isinagawang first National Cooperative Housing Summit sa lungsod Quezon ngayong araw, Huwebes.
“Di po maliit na dahilan ang ginawang paghahandang ginawa ng ating mga lokal na pamahalaan, ang iba’t ibang disaster readiness training, ang paglikas ng mga kababayan sa danger zones at pagaalis ng bahay sa mapanganib na lugar ay tunay na nagbunga,” bahagi ng talumpati ni Binay.
Kaugnay nito, naniniwala rin si Committee on Climate Change Chairperson Senador Loren Legarda na nag-improve ang paghahanda sa kalamidad ng pamahalaan matapos ang Bagyong Glenda.
“The level of disaster preparedness has evidently improved, from forecasting, early warning to evacuation of families in high-risk areas. Weather bulletins were given out regularly and warnings of storm surges were sent out early. The local government units heeded these advisories and did the right thing of enforcing evacuation of families living in coastal communities.”
Ngunit ayon sa senadora, maaari pang ma-improve at mapaiigting ang disaster preparedness ng pamahalaan. Aniya, hindi dapat na maging kuntento lang sa naging outcome sa halip ay dapat targetin ang zero casualty sa pamamagitan ng resources at political will sa kalamidad, kabilang dito ang paghahanda sa critical infrastructure gaya ng transmission lines, at community preparations. Halimbawa nito ang regular na pruning of trees, dredging ng mga kanal at esteros at garbage segregation scheme.
Sa paligid lamang aniya ng senado at PICC, makikita ang pagkabuwal ng mga matatagal ng puno bunga ng malakas na hangin dulot ng Bagyong Glenda na nanalasa sa Metro Manila. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)