
MANILA, Philippines – Inirekomenda ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) na patawan ng one-rank demotion ang pulis na nagpakulong sa babaeng transport network vehicle service (TNVS) driver na nakasagutan nito sa Taguig City.
Sa ekslusibong ulat sa UNTV Ito Ang Balita ni Correspondent Lea Ylagan, lumabas sa imbestigasyon ng PNP-IAS na umabuso sa kapangyarihan si PCapt. Ronald Saquilayan nang arestuhin niya ang TNVS driver na si Florence Norial.
Si Saquilayan ay ang hepe ng Investigation Division ng Pateros Municipal Police Station.
Sinasabing sinaktan at ipinaaresto ni Saquilayan si Norial noong Oktubre dahil sa alitan sa driveway ng isang mall sa Taguig.
Noong Oktubre 7, may sinundong pasahero si Norial mula sa isang coffee shop sa Taguig nang harangan siya ng sasakyan ni Saquilayan na noo’y nakahimpil habang naghihintay sa kanyang anak na bumibili ng pagkain mula sa nasabing establisimyento.
Kinausap umano ni Norial si Saquilayan na umalis sa driveway upang makalabas siya ngunit hindi umano nakinig ang pulis, at sa halip ay nagtawag ng kanyang kabaro para arestuhin at dalhin si Norial sa malapit na police station.
Nakuhanan ng video ang pagtatalo ng dalawa at naging viral sa social media.
Pitong araw na nakulong si Norial matapos sampahan ni Saquilayan ng reklamong alarm and scandal, direct assault at disobedience of a person in authority.
Nakalabas ito ng kulungan nang magpiyansa ng P3,000 matapos mag-desisyon ang Taguig Prosecutor’s Office na sampahan lamang si Norial ng reklamong unjust vexation.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, isinumite na nila ang rekomendasyon kay PNP chief General Debold Sinas.
“Ito yung asta niya sa nagpapaalis sa kanya sa kalsada na kung saan siya nakaharang. So, dito inabuso nya yung katungkulan nya, ipinakilala nya doon sa complainant na opisyal ako, ipinakita niya na abusado at mayabang na pulis,” ang pahayag ni Triambulo.
“Inutusan pa nya yung mga mababang ranggo na arestuhin e wala naman nagawang kasalanan, kaya nagkakaroon po diyan ng oppression ng at conduct unbecoming,” dagdag pa niya.
Ang demotion of ranks ay pangalawa sa pinakamataas na parusang ipinapataw sa isang pulis na nahaharap sa administrative case batay sa bigat ng kanyang pagkakasala.
“Ang kanyang penalty ay nasa medium period so i-divide po natin. Ang pinakamataas ay dismissal, ang nasa gitna ay demotion at ang pinakamababa ay suspension ayon sa circular ng NAPOLCOM (National Police Commission). Kaya ang medium period ay demotion ng rank kaya made-demote po siya,” ang wika ni Triambulo.
Sakaling sang-ayunan ni Sinas ang rekomendasyon ng PNP-IAS, apektado ang posisyon, sweldo at benepisyo ni Saquilayan.
“Hindi muna siya subject for promotion for one year at siya ay bababa doon sa kanyang pwesto. Kung ang kanyang posisyon bilang chief ng investigation and intelligence ng Pateros bilang kapitan ay hindi na siya papahawakin ng ganoon. Doon na lamang siya sa posisyon na para sa tinyente,” ang paliwanag ni Triambulo.
Maaari namang iapela ni Saquilayan ang magiging desisyon sa kanyang kaso sa NAPOLCOM. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Lea Ylagan)
The post Pulis na nagpakulong sa naka-alitang TNVS driver, inirekomendang patawan ng rank demotion – PNP appeared first on UNTV News.