MANILA, Philippines — Nagsimula na kahapon, Linggo ang voter’s registration ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga may kapansanan kaalinsabay ng selebrasyon ng araw ng Persons with Disability (PWD).
Magkakasamang inikot nina Chairman Sixto Brillantes Jr., Commissioners Lucenito Tagle, Luie Guia at Al Parreno ang Quezon City at Manila Comelec Office upang personal na inspeksyunin ang itinakdang pagpaparehistro.
Bahagi ito ng pagpapatupad ng COMELEC ng batas na nagsasaad na dapat ikunsidera ang kalagayan ng mga may kapansanan at ang karapatang makaboto.
“Kagaya ng Senoir Citizen, PWD bulag, pipi, sinasamahan yan. May tinatawag tayong assistor, kung wala syang kasama, sinasamahan sya ng BEI at lumang-lumang batas nay an noong 1985. Hanggang ngayon sinusunod pa rin natin,” saad ni Brillantes.
Sa 2016 presidential elections, ipatutupad na ng COMELEC ang bagong batas na nag-aatas sa paglalagay ng accessible polling place para sa mga senior citizen at PWD.
Target ng COMELEC ang 120,000 na PWD sa bansa na makapagparehistro bilang botante.
Gayundin ang mga PWD na dati nang rehistrado subalit wala pang biometrics.
“Dati mahirap dahil hindi nila alam ang sistema, na pinapaakyat kami sa 2nd or 3rd floor pero lately kapag alam na PWD pinapupunta ka na sa ground floor so medyo okay nang kaunti,” pahayag ni Ret. Col Esmeraldo Romano Jr., PWD.
Hinikayat naman ng komisyon ang lahat at nilinaw na tuloy-tuloy pa rin ang nationwide voters registration hanggang October 2015.
“Kapag ganitong idle ang mga computer, sayang yung araw. Kapag may dumating PWDs dyan priority kagad sila,” saad ni Atty. Narciso Arabe, Manila 5th District Election Officer. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)