MANILA, Philippines — Isang tahimik na protesta ang isinagawa ng mga empleyado ng hudikatura bilang pagtutol sa umano’y panghihimasok at pambabraso sa kanila ng Malakanyang.
Nagsuot ng itim at pulang damit ang mga empleyado sa flag raising ceremony ng Korte Suprema na dinaluhan din ng mga mahistrado at ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
“Nakapula dahil makikipaglaban, nakaitim dahil nakakalungkot naman ang bayan natin,” pahayag ni Jojo Guerrero, Presidente ng Judiciary Employees Association.
Partikular na tinutulan ng mga empleyado ang pagbatikos ni Pangulong Aquino sa Korte Suprema kasunod ng desisyon na nagdedeklarang unconstitutional ang paggamit ng pondo sa ilalim ng Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ayon kay Guerrero, ang pagbatikos ng pangulo ay pag-atake sa hudikatura ng bansa.
“Kasi lumalabas na kinakampanya niya sa taong-bayan na wag kaming paniwalaan. Ito po ay isang panggagahasa sa babaing nakapiring. Mabuti na lang may espada na nakikipaglaban. ganyan po ang masasabi namin, itigil na ang panggagahasa,” dagdag nito.
Dapat umano na irespeto ng Malakanyang ang pagkakapantay-pantay ng tatlong sangay ng gobyerno.
“We are urging the Congress and the Malakanyang to uphold judicial independence and integrity, to respect the fiscal autonomy of the judiciary and to stop meddling with the internal or financial affairs of the judiciary,” pahayag ni Amiel De Vera, President ng Association of Court of Appeals Employees.
Tinutulan din ng mga empleyado ang panukalang tanggalin ang Judiciary Development Fund (JDF) na ayon sa ilang kongresista ay katumbas ng pork barrel ng mga mambabatas.
Isang panukalang batas ang inihain ni Iloilo Congressman Niel Tupaz Junior upang i-repeal at palitan ang Presidential Decree 1949 na basehan ng JDF.
Kapag naaprubahan, mapupunta sa treasury ang pondo ng JDF at ilalabas lamang kapag pinayagan ito ng Department of Budget and Management (DBM).
“Kung mawawala ang kapangyarihan o kontrol ng judiciary sa mga filing fees, mawawalan po ng saysay ang fiscal autonomy at yun po ay isa na rin pong paglabag sa ating Constitution,” pahayag ni Atty. Rene Enciso, Presidente ng Supreme Court Association of Lawyer-Employees, Inc.
Ayon pa sa mga empleyado, magtutuloy-tuloy ang kanilang tahimik na protesta hanggang sa SONA ni Pangulong Aquino sa darating na Lunes. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)