MANILA, Philippines — Katarungan pa rin ang hanap ng mga mamahayag para sa 32 mediamen na kabilang sa 58 na minasaker sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao noong 2009.
Kahapon, araw ng Miyerkules, isang maikling programa ang isinagawa ng Phillipine Press Institute (PPI) kasama ang National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) bilang pagunita sa ika-56 na buwan nang Maguindanao massacre.
“Ang ginagawa nating ito ay ginagawa natin para sa mga henerasyon na ito at sa next generation of journalist,” pahayag ni PPI Executive Director Ariel Sebellino.
Mula nang mangyari ang malagim na pagpatay noong November 23, 2009, apat pa lamang sa mahigit 25 miyembro ng pamilya Ampatuan ang nabasahan ng sakdal. Kabilang dito ang mag-amang Andal Ampatuan at si dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan na kasalukuyang nakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Sa 196 na mga suspek sa malagim na masaker, 103 pa lamang ang naaresto at naghain ng hindi bababa sa 500 sari-saring mosyon dahilan upang tumagal ang proseso ng pagdinig.
Ang petisyon sa live coverage sa pagdinig ng kaso, nakabinbin pa rin hanggang ngayon.
Bagama’t inaprubahan na noong 2012 ang kahilingang magkaroon ng CCTV sa selda ng mga Ampatuan, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito naisasagawa.
Ayon sa PPI, hindi dapat makalimutan kundi dapat na manatili sa ala-ala ng iba’t ibang media outfit ang sinasabing pinakamalaking media killing na naganap sa bansa.
Isa na rito ang ginagawa ng UNTV sa gabi-gabing pagbilang ng mga araw na lumilipas hanggang sa makamit ang hustisya at katarungan.
“You make a countdown, sana nga marami pang gumawa nun kasi that serves the public eh. I mean your trying to impress to the public that ‘you know it taking this toolong but nothing is ever happened’ we’re happy to know that UNTV and siguro nga yung other media outfits and organization then also been doing their own thing,” saad pa ni Sabellino.
Samantala, nais naman ng NUJP na bigyang pansin sa SONA ni Pangulong Aquino ang iba’t ibang concern ng media maging ang freedom of information.
“Dapat talagang bigyan ng atensyon dahil walang tigil ang pagpatay sa mga journalist. Gusto natin mag-ulat sya dyan pero hindi tayo umaasa kasi hindi naman nya isinama kahit FOI dun sa ulat nya sa bayan na ginawa nya in the past 4 years,” pahayag ni NUJP Director Sonny Fernandez. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)