BATANGAS, Philippines — Kasabay ng pagdiriwang ng ika-150 taong anibersayo ng kapanganakan ng Dakilang Lumpo at Utak ng Himagsikan na si Apolinario Mabini, pormal ng binuksan sa publiko ng National Historical Commission ang interactive modern museum sa Barangay Talaga, Tanauan city, Batangas kahapon, Miyerkules.
Ayon kay National Historical Commission Chairperson Dr. Maria Lourdes Serena, binuksan ang museo upang lubusang makilala ng ating mga kababayan ang kabayanihan at katalinuhan ni Apolinario Mabini.
“Unang una makilala ng taong bayan si mabini kasimsa tingin ko siya ang isang pambansang bayani na hindi ganong kilala ng mga Pilipino.”
Makikita sa museo ang mga gallery na kinatatampukan ng ibat-ibang bagay at pangyayari sa buhay ni Mabini.
“Dito, sa pamamagitan ng museong ito, sa dami ng mga galleries at interactive displays, ang dami0dami ninyong matutunan.”
Ang augmented reality portion sa gallery 5 ay tinawag na “War in Luzon”. Makikita dito na may pagsasadulang nangyayari kung paano ang mga ninuno nagkubli sa mga trenches o mga trenserya sa iba’t ibang lugar ng Luzon.
Ikinatuwa naman ng mga mag-aaral ang pagbubukas ng museo sa kanilang lugar.
“Maganda po. Nakita doon yung nakaraang nangyari po”, pahayag ni Judy Anne Quimio, isang estudyante.
“Sobra pong ganda at saka po superior po yung mga articles nila”, ani Fernand Vincent Silva na isa ring estudyante.
Ayon sa National Council of Disabilities Affair, dapat na magsilbing inspirasyon ng mga Pilipino ang katalinuhan at kabayanihan ng bayaning binansagang “Sublime Paralytic”.
“Siya ang inspirasyon at nagsisilbing role model ng mga taong may kapansanan, mga Pilipinong may kapansanan. Dahil sa kaniyang talino at paninindigan, siya ang tinuturing namin na modelo at dapat tularan ng bawat may kapansanan”, pahayag ni National Council of Disabilities Affair Executive Director, Carmin Zubiaga. (Reymar Origenes, UNTV News)