MANILA, Philippines — “Hindi dapat nakisali pa sa imbestigasyon bagkus nag-inhibit na lamang sana ang ilang senador sa pagdinig kahapon ukol sa Disbursement Acceleration Program o DAP.”
Ito ang pananaw ni former National Treasurer at Professor Emeritus Leonor Briones ng Unibersidad ng Pilipinas (UP).
Ayon kay Briones, may conflict of interest sa ilang miyembro ng senado na nakatanggap ng pondo mula sa DAP.
Bagamat may fiscal role ang kongreso sa check and balance system ng bansa, hinayaan na lamang sana ang pagtatanong sa mga hindi nakinabang sa DAP kagaya ng mga baguhang senador at si Sen. Miriam Santiago na hindi bumoto sa noo’y impeachment ni CJ Corona.
“Even if they are known to be qualified etc. etc., but the fact remains that they were recipients of DAP and even before the hearings they were already depending DAP.”
Ganito rin ang pananaw ni Atty. Harry Roque na propesor sa College of Law.
“Sa tingin ko parang nasira ang senado bilang isang institusyon kasi lumalabas ngayon isinakripisyo nila yung kanilang independence at sila ngayon ang lumalabas na parang spin doctor ng Malakañang, yan ang nakakalungkot.”
Samantala, ayon pa kay Briones, hindi pwedeng idepensa ni DBM Secretary Butch Abad ang DAP gamit ang administrative code. Anya, dead holes na maituturing ito.
“Yung administrative code, miski anong bali-baligtarin mo dyan eh yung portion na nag-allow sa president na mag-cross border, na-declare na unconstitutional na yan, 1987 pa. Labag sa 1973 constitution, labag sa 1987 constitution.”
Ang ilang estudyante mula sa UP College of Administration and Governance, tila hindi rin kuntento sa paliwanag kahapon ni Secretary Abad.
Para sa kanila, wala ring saysay kahit pa-in full force ang suporta ng gabinete kay Abad.
“Mas nirerespeto sana ng government o ng administration yung naging decision ng Supreme Court”, ani UP NCPAG Student Council President Janella Santiago.
“Nakakalungkot dahil nga hindi nila nakita yung nakikita ng SC at karamihan sa ating mga kababayan”, saad ni Redbert Maines na isang estudyante sa UP.
“Kahit ano pang gawin nilang pagsuporta, nagsalita na ang hukuman na lumabag sila sa Saligang Batas. Ibig sabihin lang nun, dapat mas marami pa sa kanila ang ikulong kasama ni Abad”, pahayag ni Roque. (Pong Mercado, UNTV News)