MANILA, Philippines — “Ano ba mahirap sa pagsusuot ng vest? You think it’s logical na you’re accused of crime dahil pinagsusuot kayo ng vest?”
Ito ang deretsahang tanong sa National Chairman ng Arangkada Riders’ Alliance na si Rod Cruz sa programang Get It Straight with Daniel Razon tungkol sa hindi nito pagsang-ayon sa ‘plaka vest’ ordinance na balak ipatupad sa Quezon City.
Ayon kay Cruz, handa silang makipagtulungan sa pamahalaan sa pagmamatyag at pagtugis sa mga riding in tandem criminals.
Gayunpaman sinabi nitong hindi makatuwiran para sa mga motorcycle rider na tulad niya na ipasa ang responsibilidad ng mga law enforcement agency sa pagbaka laban sa mga kriminal na nakasakay sa motorsiklo.
Dagdag pa nito, ang plaka vest umano ay maaaring maging daan pa sa korapsyon kaysa sa mabigyang solusyon ang lumalalang kriminalidad sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Hindi naman nagawan ng resulta, eh baka gawin lang nilang business dahil sa may kaukulang multa o penalty,” ani Cruz.
Kamakailan, ipinasa na ng konseho ng Quezon City ang ‘plaka vest’ ordinance at hinintay na lamang ang lagda ni Mayor Herbert Bautista upang maipatupad ito.
Subalit, kahit hindi mapirmahan ng alkalde ang ordinansa, magiging batas pa rin ito sampung araw mula nang ito’y maisumite sa tanggapan ng punong lungsod. (Rosalie Coz, UNTV News)