MANILA, Philippines – Muling humarap sa Sandiganbayan 5th Division si Senator Jinggoy Estrada sa pagdinig ng kanyang petisyong makapagpiyansa sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel fund scam.
Muli namang isinalang sa direct examination ang testigo ng prosekusyon na isa sa mga graft-investigating and prosecuting officer ng Office of the Ombudsman na si Atty. Vic Escalante Jr.
Ipinadetalye ng prosekusyon kay Escalante ang mga naging transakyon ni Estrada sa mga umano’y bogus non-government organization ni Janet Lim Napoles.
Muli din nitong kinilala ang ilan sa libu-libong dokumentong ginamit sa imbestigasyon at tinukoy kung alin sa mga ito ang magpapatunay na ginamit ng senador ang kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa mga bogus NGO.
Sa mga naturang dokumento, malalaman kung maaaring makapagpiyansa ang senador.
Subalit sa kalagitnaan ng direct examination, nag-react si Atty. Sabino Acut, isa sa mga abugado ni Estrada, at sinabing ang ginagawang proseso ng prosekusyon ay nagpapatagal lamang sa pagdinig.
Bagama’t aminadong natatagalan nga ang pagdinig sa kanyang petisyon na makapagpiyansa, naniniwala naman si Estrada na advantage para sa kanya ang mga testimonya ng testigo.
Aniya, ang mga ebidensyang iprinisenta ng prosekusyon ay pawang mga hearsay lamang at lahat ay mula sa salaysay ni whistleblower Benhur Luy, maging ang pag-amin nito sa mga forged signature at pinalsipikang mga dokumento.
“I am confident that I will be granted bail, kasi masyado nang dinidelay ng prosecution,” saad ni Estrada.
Muli namang iginiit ng isa pang abugado ni Estrada na si Atty. Alexis Abastillas Suarez na irrelevant at immaterial ang mga ebidensya ng prosekusyon.
“It has been our continuing objection that the testimony of the witness is irrelevant and immaterial, kasi he based his testi merely in the statements of other people… mere hearsay.”
Dagdag pa ni Suarez, “Dapat they went directly to the point kung sino ba talaga ang may knowledge sa kickbacks and project identification of Estrada.
Maging ang abugado ni Napoles na si Atty. Stephen David ay nagkomentaryong walang direktang alam ang testigo sa partisipasyon ng mga akusado sa nasabing scam.
“Yung testi ng witness puro hearsay, chismis lang. Kaya nung tinanong natin sya, personal knowledge, ano alam mo, wala daw participation si Estrada, Napoles at De Asis. In fact, inamin pa nga niya,” ani David.
Kung kaya’t hamon ng kampo ni Estrada, iprisenta na ng prosekusyon sina Luy at Ruby Tuason upang mas mapabilis ang pagdinig.
“I-present na ang malalakas na testigo na sina Luy at Tuason for the court to determine if I will be given bail or not,” giit ni Estrada. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)