MANILA, Philippines — Nais ng Department of Health (DOH) na maiangat ang kalidad ng serbisyo ng mga ospital na accredited ng Philhealth.
Sa pamamagitan ng Hospital Accreditation Commission (HAC) na inilunsad ng kagawaran, inaasahang madaragdagan na ang mga ospital na nakapagbibigay ng mataas na kalidad ng serbisyo sa kanilang mga pasyente.
“Yun pong Hospital Accreditation Commission ang mag-e-evaluate or magre-recommend kung talagang de-kalidad ka at ang Philhealth mag-a-approve non at sila magbibigay ng incentives para tuluyang gumanda ang serbisyon ng ospital,” paliwanag ni DOH Usec. Teodoro Herbosa.
Ayon sa Department of Health, maging ang mga mahihirap ay makikinabang sa bagong programang ito.
Sa ngayon ay nasa 150 na lamang sa 1,600 na ospital ang hindi accredited ng Philhealth, habang 82% naman ng populasyon ng bansa ang miyembro ng health insurance.
“Yung poor, pag napunta sila sa ating private hospital, di ba ang tawag natin “no balance billing”, wala silang co-pay kasi sponsored sila at mahirap sila, pero yung kalidad pagpaparehohin natin. Kung ano yung kalidad na nakukuha mo sa private nangangako ang public sector na magmamatch doon sa quality na yun,” saad ni Herbosa.
Ikinatuwa naman ito ng asosasyon ng mga pribadong ospital.
Ayon kay Dr. Rustico Jimenez ng Private Hospital Association, “Siguro hindi nyo na kami makikita ngayon na magaaway sa media because everything is soften off. They have paid the hospitals, private hospitals.”
Samantala, nakahanda naman ang Philhealth na i-cover na rin ang mga pasyenteng maaaapektuhan ng Ebola virus gaya ng ginawa nila sa mga na-quarantine sa MERS-CoV.
Sa ngayon ay wala pa namang naitatalang Pilipinong nahawa ng Ebola at 2 na lamang ang natitira sa 15 mino-monitor ng DOH na pawang galing sa lugar na laganap ang sakit.
“Usually ang kino-cover namin yung diagnostic, yun mismong medicines and on the process kung kailangang i-confine,” an Atty. Alex Padilla, Presidente ng Philhealth.
Ayon naman kay Usec. Herbosa, “Yung may Ebolang dumating dito, the key is ma-isolate natin sya ma-quarantine natin siya. Nagka-experience tayo dahil noong MERS-CoV nagawa natin yan eh.”
Sa ngayon ay itinaas ng Pilipinas ang alert level 2 sa Guinea, Liberia at Sierra Leone na halos 3,500 ang mga Pilipinong naninirahan doon.
Karamihan ay mga professional at ang iba naman ay nagtatrabaho sa WHO at UN bilang peacekeeper.
Ayon sa DOH, naturuan naman ang mga ito ng tamang pagiingat upang hindi mahawa ng nakamamatay na sakit na Ebola virus.
“Most of them are actually working with humanitarian agencies like the UN and WHO yun yung type of Filipinos working there. So I’m assure there are also well informed by their employers on how to protect themselves 8 yung na clear,” pahayag pa ni Herbosa. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)