MANILA, Philippines — Naaayon sa Philippine laws ang guilty verdict ng korte laban sa 12 mangingisdang Chinese na nahuling iligal na nangingisda sa Tubbataha Reef noong nakaraang taon.
Ito ang paninindigan ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ngunit hindi na ito nagbigay pa ng anumang komentaryo sa inilabas na statement ng China hinggil sa usapin.
Sa isang statement sa kanilang website, hiniling ng Chinese government sa ating pamahalaan na bigyan ng patas na pagtrato ang mga mangingisdang chinese na nahatulang mabilanggo.
Sinabi ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Hua Chunying na tiyakin ang lehitimong karapatan para sa mga akusadong chinese national.
Hinimok rin ng Chinese government ang mga ito na ipagpatuloy ang kanilang “normal fishing activities” habang sumusunod sa mga batas.
Subalit hindi nilinaw kung ano at kaninong mga batas ito.
Dagdag ni Chunying, magpapatuloy ang kanilang pagbibigay ng consular assistance sa 12 mangingisda.
Nitong Martes, sinintensyahan ng Puerto Princesa Regional Trial Court ng anim hanggang sampung taong pagkakakulong ang crew, habang sampu hanggang labingdalawang taon naman para sa mismong kapitan ng barko.
Una nang iginiit ng mga Chinese national na napilitan lamang silang pumasok sa teritoryo ng bansa makaraang sumadsad ang kanilang barko dahil sa masamang panahon.
Nagsimula ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China matapos angkinin ng China ang halos 90% ng West Philippine Sea.
Lalong lumala ang tensyon noong 2012 nang hindi pinahintulutan ang mga otoridad na parusahan ang mga mangingisdang Chinese na nahuling iligal na nangingisda sa Scarborough Shoal. (Bianca Dava, UNTV News)