MANILA, Philippines — Hindi pa inirerekomenda sa ngayon ng Department of Health (DOH) ang “mix-and-match” o paggamit ng magkakaibang brand ng COVID-19 vaccine para sa una at ikalawang dose ng isang pasyente.
Sa isang pahayag, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na single brand lang muna ang dapat ibigay sa mga Pilipino dahil kailangan pa ng mas malawak na pag-aaral ang panukalang mixing ng COVID-19 vaccine brands.
Batay aniya sa pakikipag-pulong ng DOH sa mga miyembro ng Vaccine Experts Panel (VEP) at iba pang health experts sa bansa, nananatili pa ring theoretical ang mix-and-match na paraan ng paggamit ng mga bakuna kontra coronavirus disease at ang bansang United Kingdom pa lamang ang nagsasagawa nito sa ngayon.
“There is just one country for now which is trying doing a trial on this mixing of vaccines so titingnan natin experience ng ibang bansa ukol dito kung ano ang i- publish nila, based on the results of their study para maisama sa mga pinag- aaralan,” ani Vergeire.
Hindi rin aniya kailangang ikompromiso ang kaligtasan ng mga tao kung wala pang sapat na ebidensya ang mix and match ng mga bakuna.
“Sa ngayon ang ating protocol, single brand muna po tayo. Kapag binigyan tayo ng Sinovac sa umpisa, Sinovac pa rin ang ating second dose kasi wala pa po tayong sufficient, scientific evidence to state that we can already mix brands,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, inirerekomenda rin ng DOH na Sinopharm pa rin ang bakunang dapat ibigay na second dose kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakatutok din ang ahensiya sa kondisyon ng Pangulo matapos itong mabakunahan.
“Of course he is the President so we will monitor him everyday regarding these adverse events… He has to be taken care of also by the Department of Health,” ani Vergeire.
Una nang sinabi ng Malakanyang na Sinopharm vaccine pa rin ang gagamitin para sa second dose ng pangulo kahit pa ipinasasauli na nito sa China ang donasyong 1,000 doses ng bakuna kasunod ng pag-kwestiyon sa desisyon nitong gumamit ng bakunang wala pang emergency use authorization sa Pilipinas.
“Kung pag-uusapan po ang liablitity, it is a compassionate special permit and based on the CSP conditions, klaro naman po iyong sa mga nag-apply nito. Iyon pong hospital or iyon pong doktor na nag-apply nitong compassionate special permit is accountable,” ang wika ni Vergeire.
Paalala rin ng DOH sa publiko na walang ibang otorisadong bakuna sa bansa kundi ang mga available ngayon na COVID-19 vaccines ng Sinovac, AstraZeneca at Sputnik V.
Sa susunod na buwan pa inaasahang darating ang supply ng Moderna COVID-19 vaccines. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Aiko Miguel)
The post ‘Mix and match’ ng magkaibang COVID-19 vaccines sa Pilipinas, hindi muna irerekomenda – DOH appeared first on UNTV News.