MANILA, Philippines — Maaari nang makabalik sa trabaho ang nasa 200-libong empleyado matapos na ibalik sa general community quarantine “with heightened restrictions” ang National Capital Region (NCR) at mga karatig-lalawigan.
Ayon kay Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, magiging daan ang paglipat sa GCQ ng NCR, Bulacan, Cavite, Rizal, at Laguna – tinatawag na NCR Plus – upang mapababa ang bilang ng mga nawalan ng trabaho noong kasagsagan ng enhanced community quarantine (ECQ).
“As we further open the economy, we are expecting to bring back 200,000 to 300,000 jobs to lessen the number workers displaced since the start of the ECQ,” ani Lopez.
Noong nasa ilalim ng ECQ ang NCR Plus, umabot sa 1.5 milyon ang bilang ng mga Pilipino nawalan ng trabaho dahil sa coronavirus pandemic.
Nabawasan ito at naging isang milyon noong ipinatupad ang modified ECQ.
Ayon kay Lopez, sa ngayon ay aabot pa sa 700-libong manggagawa ang hindi pa rin nakakabalik sa trabaho dahil sa limitadong operasyon ng ilang establisimyento gaya ng mga restaurant, at barbershop. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Joan Nano)
The post DTI: Halos 200-libong manggagawa, balik-trabaho sa ilalim ng GCQ appeared first on UNTV News.