MANILA, Philippines — Isang panukalang batas ang sinusulong ng ilang anti-pork groups upang tuluyan nang matanggal ang pork barrel system sa bansa.
Ayon sa isinisulong nilangpanukalang batas na the Pork Barrel Abolition Act, maaaring makulong sa loob ng 10 taon ang sinomang opisyal ng pamahalaan na gumamit ng pondo ng bayan na hindi nakasaad sa General Appropriations Act.
Nakasaad din na kung sakali mang may maging savings sa mga natapos na proyekto, kailangan maibalik ito sa National Treasury at hindi maaaring maitalaga sa ibang proyekto na wala sa appropriation law.
Ipinagbabawal rin sa ilalim ng panukalang batas na makakuha ang pangulo ng presidential social fund o pondo mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.
Upang maipasa ang nasabing batas, isusulong ng ilang anti-pork groups ang isang peoples’ intiative, at sisimulan nila ito sa pamamagitan ng isang sign up campaign sa Aug. 25 sa Quirino Grandstand.
“Kailangan natin makakuha ng 3% of every legislative district nationwide at para makuha iyon, dapat iyon kalahati noong total na botante last year,” ani Mae Paner A.K.A Juana Change ng Scrap Pork Network.
Target ng mga anti-pork group na makapanghikayat muli ng mamamayan at ulitin ang One Million People March noong nakaraang taon upang masuportahan ang isinusulong nilang panukalang batas.
“All of these groups, represent tens of thousands of people, so we are counting hindi lang iyon ang dumating. Ang inaasahan naming, darating lahat ng mga unrepresented at walang boses at hindi pinapakinggan ng gobyerno,” pahayag ni Abolish Pork Movement Spokesperson Monet Silvestre.
Kapag nakuha ang kailangan na bilang ng susuporta sa panukalang batas, iaakyat ito sa COMELEC at saka ito magpapaatawag ng referendum sa loob ng isa hanggang dalawang buwan. (Joyce Balancio, UNTV News)