MANILA, Philippines – Hindi pa inirerekomenda sa ngayon ng mga dalubhasa sa bansa ang mixing ng magkaibang brand ng COVID-19 vaccine ngunit maaari itong gawin depende sa sitwasyon.
Ito ang ginawang pahayag ni Dr. Lulu Bravo, isang vaccine trialist at executive director ng Philippine Foundation for Vaccination, bilang reaksyon sa pag-aaral ng isang Health Institute sa Spain ukol sa umano’y pagiging ligtas at epektibo ng paggamit ng Pfizer vaccine sa mga taong nakatanggap na ng unang dose ng AstraZeneca vaccine.
Aniya, ang paggamit ng magkaibang brand ng bakuna para sa una at ikalawang dose ng isang tao ay patuloy pang pinag-aaralan dahil sa posibleng epekto nito sa kalusugan.
Ngunit maaari itong ikonsidera kung ang isang tao ay nagkaroon ng allergy matapos makatanggap ng isang brand ng bakuna o kaya ay nagkaroon ng kakulangan sa supply.
“If indeed it should be done. Why? Because number 1 allergic ka pala sa 1st dose, so hindi ka pwedeng magkaroon ng second dose so you might have to be given another type of vaccine right so that it is also indicated,” ang wika ni Bravo.
“Kung hindi na available ang iyong first dose and it can happen di ba halimbawa nawalan ng stock, it has happened before in other vaccines,” dagdag pa niya.
Ang isa pa aniyang maaaring dahilan para gumamit ng ibang COVID-19 brand ang isang vaccine ay kapag hindi naging mabisa ang first dose na ginamit.
Sa ngayon ay isinasapinal na ng Department of Health at Department of Science and Technology Vaccine Expert Panel ang planong clinical trial mix and match at booster shots ng COVID-19 vaccine sa bansa. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Aiko Miguel)
The post ‘Mix and match’ ng COVID-19 vaccine brands sa bansa, depende sa sitwasyon – eksperto appeared first on UNTV News.