MANILA, Philippines — Mas mapapabilis na ang imbestigasyon sa mga nakabinbing kaso sa Metro Manila.
Ito’y matapos na buuin ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang Special Task Force Pivot na tututok dito.
Ayon kay PNP-CIDG Chief P/Dir. Benjamin Magalong, ang nasabing grupo ay binubuo ng 15 teams na may walong tauhan ng PNP sa bawat isang team.
Bukod sa pagresolba ng mga kaso ay nais din nilang ipaalam sa publiko ang ginagawang aksyon ng mga pulis sa pagresolba ng mga nakabinbing kaso.
“Kailangan i-present din nila may statistics na ipakita diyan. Yun naman ang ginagawa ngayon, in fact patungo doon, to open the public, ano ang ginagawa ng pulis, ano na effect para aware sila that is why we are using the social media at press media.”
Sinabi pa ni Magalong na ang nasabing task force ang mag iimbestiga sa mga high value crimes tulad ng nangyari sa car racer na si Enzo Pastor at iba pa.
Kabilang din ang mga kaso ng pagpatay ng riding in tandem criminals.
“It will enhance yung ating anti-crime efforts, malaking bagay sa amin yan.”
Idinagdag pa ni Magalong, nag-uumpisa nang magtrabaho ang Special Task Force Pivot sa pakikipag-ugnayan sa NCRPO o National Capital Region Police Office. (Lea Ylagan, UNTV News)