MANILA, Philippines — Ipinahayag kahapon ni Presidential Communication Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr. na ayon sa roadmap at timetable, ngayon dapat ang takdang araw upang ibigay ng peace panels ang draft ng Bangsamoro Basic Law kay Pangulong Aquino III.
Ngunit, base sa ipinadalang mensahe ni Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles, hindi pa kayang maisumite ngayong araw ang draft sa pangulo.
Dagdag pa nito, posibleng sa kalagitnaan pa ng linggong ito maisusumite ang balangkas ng Bangsamoro Basic Law. Hindi naman nabanggit ni Deles ang dahilan nito.
Bagaman nauurong ang target na deadline sa pagbuo ng draft, ayon kay Sec. Coloma, determinado ang pangulo na makumpleto ang prosesong pangkapayapaan sa Bangsamoro.
Ito ay upang ganap na maitatag ang Bangsamoro Transitional Assembly at maisabay sa 2016 national elections ang paghahalal sa mga opisyal ng Bangsamoro political entity.
Ipinahayag din ni Sec. Coloma sa panayam na dapat sa unang quarter ng 2015, mailuklok ang bubuo ng Bangsamoro Transitional Assembly kung maipapasa ang Bangsamoro Basic Law sa kongreso.
Naniniwala ang administrasyong Aquino na kapag nakumpleto ang prosesong pangkapayapaan sa Bangsamoro, magkakaroon na ng pangmatagalang estabilidad at kaunlaran sa Mindanao. (Rosalie Coz, UNTV News)