MANILA, Philippines — Nababahala ang Department Of Health (DOH) dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng Human Immunodeficiency Virus o HIV sa bansa na maaring humatong sa Acquired Immune Deficiency Syndrome o AIDS.
Nito lamang nakaraang Hunyo ay nakapagtala ang Philippine HIV and AIDS Registry ng kabuoang 494 na panibagong kaso ng HIV sa bansa.
Mas mataas ito ng 15% kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Ayon sa DOH, mula sa 494 na kaso ng HIV, 42 dito ay ganap nang AIDS.
Sa National Capital Region, naitala ang pinakamataas na kaso ng HIV ngayong taon, kasunod ang CALABARZON, Central Visayas, Central Luzon at Davao.
Ayon sa DOH, karamihan sa mga apektado ng panibagong kaso ng HIV ay mula sa mga kalalakihan.
Sa datos ng DOH, sa loob lamang ng halos anim na buwan ay umabot na sa animnapu’t anim ang namamatay dahil sa sakit na ito, animnapu’t tatlo ay mga lalake.
Sa isinagawang pag-aaral ng global AIDS noong 2012, ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansa na patuloy na tumataas ang kaso ng AIDS.
Kaya naman, muling hinikayat ni DOH Assistant Secretary Dr. Eric Tayag ang publiko na agad na magpakonsulta sa doktor upang maiwasan ang pagkakaroon ng HIV.
“Hinihikayat ng Department of Health ang mga kabataan at mga adults na kung saan eh mataas ang kamalayan sa sexual na activities na isipin kung sila ay at risk na magkaroon ng HIV, magpa-test sila kaagad.”
“Hindi naman nila kaagad ginagawa yung test counseling, magbibigay ng impormasyon at lahat ng resulta ay confidential,” dagdag nito.
Tiniyak din ng DOH na mayroon silang mga nakahandang gamot para sa sinomang mada-diagnose na positibo sa HIV.
Aniya patuloy din ang kanilang kampanya sa mga eskwelahan at mga local government units upang maipabatid sa mga kabataan ang panganib na dulot nito.
“Mayroong mga eskwelahan na bukas ditto. May mga eskwelahan, sarado dito so gumagawa kami ng ibang paraan papaano makakarating yun. Gumagamit kami social media peer counselor para sa ganun, makadaupang-palad yung mga dapat makaalam ng mga tamang impormasyon.”
Mahalaga rin aniya na magkaroon ng local aids council sa bawat munisipalidad na makatutulong upang makapagibigay ng ibayong impormasyon ukol sa HIV at AIDS.
Nangako naman ang DOH sa mga lokal na pamahalaan na nakahanda silang magbigay ng tulong upang lalo pang mapagibayo ang kampanya upang labanan ang paglago ng kaso ng HIV at AIDS sa bansa. (Joan Nano, UNTV News)