
FILE PHOTO: Isang lokal na turista na kumukuha ng litrato ng kanyang sarili upang ipakita ang kanyang kinaroroonan. Ang gawaing ito ay tinatawag na selfie. (KENJI HASEGAWA / Photoville International)
QUEZON CITY, Philippines — Picture dito, video doon. Ito na ang naging libangan ng maraming Pilipino, bata man o matanda.
May ilan, na para mas maganda umano ang kuha, gumagamit pa ng nauuso rin ngayong selfie pod.
Sa katunayan nito lamang mga nakaraang buwan sinabi sa Time Magazine na isa sa maituturing na Selfie Capital of the World ay ang Pasig, Makati at Cebu City.
Subalit posibleng malimitahan na ang basta-basta pagkuha ng litrato at video lalo na kung walang pahintulot at kung pagkakakitaan.
O kaya naman ay nasa isang lugar na maituturing na pribado.
Ito ang nakapaloob sa House Bill No. 3548 o ang Anti-Intrusion of Privacy Bill.
Hindi na maaaring kumuha at mag-post ng mga video at litratong ng isang tao na walang pahintulot lalo na kung ito ay nasa kanilang mga tahanan.
Ang panukalang batas ay nasa 3rd and final reading na ng Kongreso, botohan nalang ang kulang upang maipasa.
Dito ang mga lalabag ay posibleng maharap sa civil case at pagmultahin depende sa ginawang damage to privacy ng isang tao.
Pahayag ni Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez, “The provisions are very clear: trespassing and the non-trespassing. Even outside, (using) the telephoto lens… Ours is the territory, your house, your yards where you are safe on privacy.”
Hindi naman sang-ayon dito ang karamihan sa ating mga kababayan.
Lahat sila nagsasabi na tila pinipigilan ang kanilang kalayaan.
Pahayag ni Macky Castaneda, “Ini-inhibit niya yung expression natin ng freewill natin.”
Para naman kay James Garduque, “Hindi po siya makatarungan kasi karapatan ng tao na i-express ang kaniyang views at makikita natin iyan sa pagpo-post ng mga photos.”
Sabi naman ni Jurida Jinara, “Hindi ako pabor dun dahil lahat tayo may karapatan na mag-selfie. Kasi, kunwari, magse-selfie ako tapos wala ako tiwala sa tao na kukuha sakin ng picture, eh di ako na lang di ba?”
Sinabi naman ni Helen Tenorio, “It’s a personal choice at saka ito ay happiness sa kids.”
Ang pananaw naman ni Mary Joy Abanes, “Wag naman sana kasi (ipagbawal ang pag-selfie). Doon na lang kayo mag-focus sa problema ng bansa, sa ibang issue.” (GRACE CASIN, UNTV News)