MONROVIA, Liberia — Isang pasyente ang tumakas sa quarantine center sa Elwa hospital sa Monrovia dahil sa gutom.
Ang lalaki na nakasuot pa ng Ebola positive tag sa katawan, ay nakitang naglalakad sa isang palengke na nagdulot ng takot sa mga mamimili.
Agad na nagtungo ang mga doktor sa bayan ng Paynesville upang kunin ang pasyente na dumampot umano ng pamalo at nagtangka pang manlaban.
Nagiging problema na sa Liberia ang kakulangan sa pagkain at siksikang mga ospital dahil umabot na sa 1,550 ang Ebola cases sa bansa.
Iniulat naman ni WHO Director General Margaret Chan na ngayong linggo ay umabot na sa 3,500 Ebola cases na ang naitala sa Guinea, Sierra Leone at Liberia, habang nasa 1,500 ang nasawi.
Sa ngayon, nagpulong ang mga world leader at pinuno ng ilang global health organization sa United Nations headquarters upang pag-usapan kung paano masusugpo ang nakamamatay na sakit. (UNTV News)