MANILA – Sa Setyembre 16 inaasahang masisimulan ang pilot implementation ng bagong quarantine strategy na isinusulong ng pamahalaan upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19.
Ayon sa Malakanyang, “provisionally” approved na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang panuntunan para sa pilot implementation ng alert level system sa National Capital Region (NCR).
Sa ilalim ng sistema, dalawang quarantine restrictions lamang ang ipatutupad – ang enhanced community quarantine (ECQ) o malawakang lockdown at ang general community quarantine (GCQ) na nahahati naman sa alert levels 1, 2, 3, at 4.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang IATF ang magpapataw ng ECQ samantalang ang GCQ na may alert levels system ay nakasalalay sa desisyon ng mga lokal na pamahalaan batay sa rekomendasyon ng local health officials.
“Itong alert level system na ating pinag-uusapan, ito po ay ipa-pilot sa Metro Manila sa ngayon. At kung mapapatunayan pong epektibo, saka po natin ipatutupad sa iba’t ibang lugar. Sa ngayon po, iba’t ibang classification outside Metro Manila, epektibo pa po sila,” ani Roque.
Ang granular lockdown ay ipatutupad sa COVID-19 hotspots sa loob ng 14 araw.
Gayunman, limitado lamang ito sa mga lugar na may case clusters tulad ng iisa o iilang bahay, street o purok, isang kanto, isang gusali, o kaya ay isang barangay.
Sa ilalim ng bagong lockdown strategy, bawal lumabas ang mga residente maliban sa healthcare workers, inbound at outbound overseas Filipino workers at mga may medical emergencies.
Palalakasin din ang active case finding, testing at isolation efforts.
Sa ilalim ng Alert Levels system, nakasalalay ang papayagang mga industriya at activities na tinatawag na 3Cs o ang closed, crowded at close contact.
Sa Alert Level 4 na pinakamatinding antas, bawal ang 3Cs tulad ng religious gatherings, restaurant, dine-in services, personal care services, at iba pa.
Sa Alert Level 3 naman, papayagan ang 30 percent capacity ng mga establisimyento o aktibidad, habang 50 percent capacity naman ang pahihintulutan sa Alert Level 2.
Sa Alert Level 1 naman ay 100 percent capacity ang papayagan ngunit dapat ay may kaakibat na maigting na pagpapatupad at pagsunod sa minimum health protocols.
“Ginagawa po natin ito because ang una nating hangarin ay makahanap ng matibay at maayos na pamamaraan para talagang mapigilan ang pagdami ng COVID-19 at isa dito ang pagpipigil ng paggalaw ng tao lalo na yung mga asymptomatic na tao na maaring makapagdala ng COVID-19,” ang wika ni DILG Usec. Epimaco Densing III.
Gayunman, may tatlong usapin pang pinagdedebatehan ang IATF kaugnay ng bagong estratehiya.
Partikular na rito ay kung anong alert level ang ipatutupad sa NCR, ang panukalang “bakuna bubble,’ at criteria sa pagdedeklara ng alert levels.
Ang Department of Health ang mag-aanunsyo ng alert levels sa NCR kada linggo samantalang mga lokal na pamahalaan naman ang magpapatupad nito. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Rosalie Coz)
The post Pilot implementation ng bagong quarantine strategy sa NCR, sisimulan sa Setyembre 16 appeared first on UNTV News.