MANILA, Philippines – Posible umanong sampahan ng reklamo ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang nagpalabas ng video ng meeting kung saan nakikita siyang sumisigaw at nagagalit sa isang grupo ng mga doktor.
Ayon kay Roque, maaaring may pananagutan sa batas ang nasa likod ng leakage ng video dahil ang pagpupulong ay hinggil sa COVID-19 response ng pamahalaaan.
“Sa tingin ko po liable, at liable din po for revealing public secrets,” ani Roque.
Gayunman, ipinauubaya na ni Roque sa IATF ang isyu.
“Pero hahayaan ko na po iyan sa IATF, at iyan naman po ay napag-usapan kanina sa IATF,” ang wika ng opisyal.
Isang video ang kumalat sa social media kamakailan kung saan makikita si Roque na pinagagalitan ang isang grupo ng mga doktor na kinabibilangan ni Philippine College of Physicians president Dr. Maricar Limpin, na nagsusulong ng pagpapatupad ng hard lockdown sa gitna ng lumulobong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Una nang sinabi ni Roque na naging emosyunal lang siya sa meeting ng Inter-Agency Task Force (IATF) dahil nais niya lang igiit ang pangangailangan na balansehin ang ekonomiya at public health upang makapagtrabaho na rin ang ibang empleyado na nawalan ng hanapbuhay sa gitna ng pandemya.
Humingi na ng paumanhin si Roque sa pangyayari ngunit para kay Limpin, mas maiging magbitiw na lamang ito sa puwesto dahil hindi aniya karapat-dapat ang inasal nito bilang tagapagsalita ni Pangulong Duterte.
Ilang grupo na rin ang nanawagang palitan ang opisyal sa pwesto.
Nanindigan naman si Roque na nakasalalay kay Pangulong Duterte ang desisyon kung mananatili siya o hindi sa posisyon.
The post Roque posibleng kasuhan ang nag-leak ng video ng IATF meeting appeared first on UNTV News.