MANILA, Philippines – Hindi pa magagawa sa ngayon ang pagbabakuna sa mga bata laban sa sakit na COVID-19, ayon sa Malakanyang.
Ginawa ng palasyo ang pahayag kasunod ng panukala ng ilang eksperto na mabakunahan muna kontra COVID-19 ang mga estudyante bago ang pilot run ng limited face-to-face classes.
“Hindi pa po natin mababakunahan ang mga kabataan kasi ‘di pa po tayo nagsisimula. Ito naman po ay limited naman po na pilot involving only 100 public schools, tsaka 20 private schools at sa mga lugar na mababa naman po talaga ang kaso, sa mga MGCQ areas,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
Sa panayam sa UNTV Get It Straight with Daniel Razon nitong Biyernes, sinabi ni Dr. Rontgene Solante na dapat mabakunahan muna ang mga estudyante na magiging kabahagi sa dry run ng face-to-face classes dahil sa nagpapatuloy pa ring banta ng COVID-19.
Si Solante ay isang infectious disease expert at miyembro ng vaccine expert panel ng Department of Science and Technology.
“Mas maganda pa rin na mayroong bakuna ang bata at the same time, maganda rin ang environment in terms of the risk of transmission, doble ang magiging proteksyon niyan at less ang epekto ng transmission sa mga bata na they can also develop severe infection if they have comorbidities,” ani Solante.
Una nang inanunsiyo ng Department of Education na gagawin lamang ang limited in-person learning sa mga lugar na mababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Pili lang din ang mga paaralang maaaring lumahok sa programa at kailangang pasado ang mga pasilidad nito para sa kaligtasan ng mga bata at gurong kasama sa pilot run.
Kailangan ding may consent ng mga magulang ang paglahok ng kanilang mga anak sa dry run ng physical classes.
Samantala, sinabi rin ni Roque na wala pang desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa panukala ng National Task Force against COVID-10 na umpisahan sa kalagitnaan ng Oktubre ang pagbabakuna sa mga batang may edad 12 hanggang 17.
Aniya, kailangan pang talakayin ang nasabing panukala sa mga pagpupulong ng Inter-Agency Task Force.
The post COVID-19 vaccination bago ang pilot run ng in-person classes, hindi pa mauumpisahan appeared first on UNTV News.