MANILA, Philippines — Posibleng mapalawig pa ang ipinatutupad na Alert Level 4 sa National Capital Region (NCR) sa gitna ng marami pa ring kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa Department of Health (DOH), nananatiling nasa moderate risk ang utilization rate ng hospital beds at high-risk naman sa intensive care unit (ICU) beds bagama’t bumaba na ang growth rate at reproduction rate ng COVID-19 sa NCR.
“Kung ito pong mga numero na ito ng NCR ang ating pagbabasehan, tayo po ay posibleng manatili pa sa alert level 4,” ani Dr. Alethea de Guzman, ang direktor ng DOH Epidemiology Bureau.
Gayunman, nirerepaso na aniya ng DOH ang metrics na ito at iba pang indicators tulad ng vaccination coverage na pagbabatayan ng desisyon sa susunod paiiraling alert level sa NCR.
“We need to look at not one or two metrics but several for us to have a better picture and understanding of the COVID-19 situation – cases and fatality data, healthcare capacity, PDITR (prevent-detect-isolate-treat-reintegrate) indicators, and vaccination coverage,” ani De Guzman.
Una nang nagpahayag ng pag-asa si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos na maililipat ang NCR sa ilalim ng Alert Level 3 pagsapit ng Oktubre dahil sa bumababang reproduction rate ng COVID-19.
Inilagay sa Alert Level 4 ang NCR nang ipatupad ng pamahalaan ang pilot run ng bagong quarantine system noong Setyembre 16. Tatagal ang pilot implementation hanggang sa Setyembre 30.
The post NCR posibleng manatili sa alert level 4 — DOH appeared first on UNTV News.