MANILA, Philippines – Maaari nang lumipat ng network service provider at magpalit ng subscription plan ang sinumang subscriber nang hindi kailangang palitan ang kaniyang cellphone number.
Ito ay sa pamamagitan ng Mobile Number Portability Act na magiging epektibo na bansa simula sa Huwebes, Setyembre 30.
Sa pagpapatupad nito, bumuo ang tatlong network providers ng isang venture na tinatawag na Telecommunizations Connectivity Incorporated (TVI).
Katuwang nito ang Syniverse na aaktong clearing house at mag-uugnay sa tatlong telecommunication companies upang mapadali ang mobile number porting services.
Ayon kay Melanie Manuel, ang general manger ng TCI, hindi na mag-aalala ang mga subscriber dahil hindi na pahirapan ang pagpapalit ng network subscription.
“Hindi na ako mag-aalala na magpapalit pa ako ng number na kailangan ko sabihan lahat ng mga kakilala ko o kailangan kong palitan ang contact numbers ko, sa mga apps kailangan kong palitan. So ito po ay magiging beneficial sa mga kababayan natin na nakikita nila na mayroong ibang network na makapag-provide ng services na gusto nila,” ani Manuel.
Sa mga nais mag-avail ng mobile number porting services, tatlong hakbang lamang ang kinakailangang tandaan.
Kumuha ng unique subscriber code sa current network provider sa pamamagitan ng pag-presenta ng ID at proof of ownership.
Pagkatapos ay magtungo sa lilipatang network, mag-fill out ng application form at isumite ang unique subscriber code.
Paalala ng TCI, walang bayad ang proseso at maaaring maaprubahan ang aplikasyon sa loob lamang ng dalawang araw.
Para sa mas detalyadong impormasyon kaugnay ng mobile number portability, maaaring bisitahin ang websites ng tatlong major networks – www.smart.com.ph para sa Smart Communications, www.globe.com.ph para sa Globe Telecom at www.dito.ph para naman sa DITO Telecommunity.
The post Mobile Number Portability Act epektibo na simula Sept. 30 appeared first on UNTV News.