MANILA, Philippines – Hindi dumating si Senator Jinggoy Estrada sa pagpapatuloy ngayong Martes ng pagdinig ng Sandiganbayan Fifth Division sa mosyon ng senador na makapagpiyansa sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam.
Ayon sa kanyang mga abogado, may sakit ang senador.
Muling humarap sa korte ang assistant commissioner ng Commission on Audit (COA) na si Susan Garcia.
Kinuwestiyon ng abogado ni Estrada na si Atty. Alexis Abastillas-Suarez ang pagpili ng mga auditor ng special audit team na nag-aral sa sampung Special Allotment Release Order (SARO) na may kinalaman umano sa senador at sa transaksyon nito sa mga pekeng NGO’s at implementing agencies.
“We are merely verifying or finding out the fairness and impartiality of the audit team.”
“When the witness Susan Garcia conducted the audit report, she was the director of COA, but after making the findings of the audit report, bigla siyang napromote into assistant commissioner, ang dami niyang positions na nalagpasan,” saad pa ng abogado ni Estrada.
Hinahanapan din ni Atty. Suarez si Garcia ng mga dokumentong nagpapakita na may natanggap na kickback si Senator Estrada sa mga SARO na in-audit ng COA.
Aniya “The COA admitted that no documents can be pointed out that the monies or funds subject to the ten SAROs were delivered to or actually received by Sen. Estrada himself.
Ayon naman kay Garcia, lahat ng transaksyon ay dumadaan sa staff ni Estrada na si Pauline Labayen, at ang mga pondo na nakalaan sa mga proyekto ay natatanggap umano ng direkta ng implementing agencies.
Wala naman maiprisinta si Garcia na special power of attorney na nagbibigay ng otorisasyon kay Labayen na tumanggap ng pera o pondo para kay Sen. Estrada.
Ayon sa abogado ni Estrada, malaking bagay ang testimonya ni Garcia upang mapatunayan sa korte na mahina ang ebidensya laban sa senador.
Katulad ng hiling ng kampo ni Sen. Jinggoy Estrada, susunod na haharap sa pagdinig ng motion for bail ng senador ang PDAF scam whistleblower na si Benhur Luy. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)