MANILA, Philippines – Plano ngayon ng ilang transport group na maghain ng pormal na petisyon para sa hiling nilang dagdag-pasahe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon sa grupong Pasang Masda, tatlong piso sa unang tatlong kilometro ang hirit ng mga jeepney driver sa gitna na rin ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Kung maaaprubahan ay magiging P12 na ang minimum fare sa pampasaherong jeep mula sa kasalukuyang P9.
Tiniyak naman ni Obet Martin, ang pinuno ng grupong Pasang Masda, na agad nilang ibababa ang pamasahe kapag bumaba na rin ang halaga ng krudo.
“About 3 years ago or 4 years ago, nang bumaba ang presyo ng diesel na tig-29 pesos, immediately, kami rin ang grupo ay nagpunta ng LTFRB. Then, we filed our petition para i-rollback ang pamasahe. Nag-file kami at iyan din naman ang assurance natin sa ating mga kababayan. ‘Pag nag-normalize, ibabalik po natin doon sa dating pamasahe,” ani Martin.
Paliwanag ng Department of Energy (DOE), ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa ay epekto ng paggalawa ng pandaigdigang presyo.
Ayon kay DOE-Oil Industry Management Bureau director Rino Abad, bunsod ito ng kakulangan sa supply at pagtaas ng demand sa langis dahil sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya at sa winter season sa ibang bansa.
“Itong nangyayaring pagkakakulangan ng ating crude oil supply on the global market ay ito’y inI-expect na aabot po ng hanggang katapusan ng taon at posible pong magkaroon na ng easing out, yung paghihinay-hinay ng kakulangan, on the first quarter of 2022,” ani Abad.
Sa panig naman ng LTFRB, sinabi ng executive director ng ahensiya na si Joel Bolano na pag-aaralan nila ang hiling ng mga tsuper na itaas ang pasahe upang maka-agapay sila sa kasalukuyang halaga ng petrolyo.
“Batay po doon sa mga increases ng atin pong petrolyo, based doon sa ating computation po kung babalikan po natin yung year-on-year na increase po ay at least mga 1.20 – hindi po lalagpas ng P1.26 more or less po,” ani Abad.
Payo naman ng DOE sa mga tsuper na magpakarga sa mga gasolinahan na nag-aalok ng promotions gaya ng discount at rebate na inilalaan dahil sa mataas na kumpetisyon.
The post P3 dagdag-pasahe, hiling ng ilang transport groups dahil sa tumataas na presyo ng petrolyo appeared first on UNTV News.