MANILA, Philippines – Handa na ang Department of Health (DOH) para sa gagawing pagbabakuna kontra COVID-19 sa Biyernes ng mga batang may edad 12 hanggang 17.
Ayon sa DOH-National Capital Region (NCR) director Dr. Gloria Balboa, nagsasagawa na sila ng simulation exercise para sa pilot vaccination.
Noong Miyerkules idinaos ang simulation sa Philippine General Hospital (PGH) at National Children’s Hospital habang ngayong araw naman ang sa anim pang ospital na kasali sa pilot pediatric vaccination program.
“Kahapon na-deliver na ang bakunang gagamitin, its Pfizer,” ani Balboa.
“Very important din iyong cold chain, iyong storage nila kasi kailangan itong Pfizer merong ultra low freezer… Ang isang tray kasi is 1,170 doses times 8 iyon,” dagdag pa niya.
Prayoridad na mabakunahan ang mga batang may co-morbidities.
Batay sa inilabas na listahan ng DOH, ang mga menor de edad na kailangang mabigyan ng COVID-19 vaccine shot ay may medical complexity, genetic conditions, neurologic conditions, metabolic/endocrine, cardiovascular diseases, obesity, hiv infection, tuberculosis, chronic respiratory disease, renal disorders, at hepatobiliary.
Paglilinaw ng DOH, ang mga babakunahang bata sa mga ospital ay mga pasyenteng may record na rin sa kanila kahit saang local government unit pa sila nasasakop.
Ani Balboa, layunin nito na mas mapadali ang monitoring sa mga bata.
“We really have to be very careful kasi hindi pa natin alam ano maigiging epekto talaga ng bakuna with them because of the comorbidities na meron sila,” dagdag pa niya.
Sa ikalawang linggo aniya ng pilot implementation ay maaari nang tumanggap ng mga batang magpapabakuna kahit hindi sila pasyente sa naturang ospital.
Una nang naglabas ng guidelines ang DOH para sa COVID-19 vaccination ng mga menor de edad.
Gaya ng adult vaccination, dapat ay dumaan sa ang mga bata registration, screening at assessment ng kanilang kondisyon.
Bago ang aktwal na pagbabakuna, kailangang kasama ng bata ang magulang o guardian na siyang pipirma sa informed consent and assent form na ibibigay ng ospital.
Mahalaga ang assent ng mga bata upang matiyak na hindi sila pinilit na mabakunahan kontra COVID-19
Paalala rin ng DOH na may requirements na dapat maiprisinta bago ang pagbabakuna gaya ng medical certificate bilang patunay na may comorbidity ang bata. Ito ang magsisilbing clearance mula sa kanilang pediatrician.
Kailangan ding dalhin ang dokumento na magpapatunay ng filiation o relasyon ng bata sa kasama niyang adult sa araw ng pagpapabakuna.
Pagkatapos mabakunahan ay isasailalim sa monitoring ang mga bata upang makita ang epekto ng COVID-19 vaccine sa kanilang kalusugan.
May reporting system din sa Food and Drug Administration ng mga batang makararanas ng adverse events following immunization (AEFI).
Bukod sa PGH at National Children’s Hospital, idaraos rin ang pediatric vaccination sa mga sumusunod na ospital:
- Philippine Heart Center
- Pasig City Children’s Hospital
- Fe Del Mundo Medical Center
- Philippine General Hospital
- Makati Medical Center
- St Luke’s Medical Center (Taguig)
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, 400 o 50 bata kada araw ang target na mabakunahan sa bawat ospital.
Ayon sa DOH, 12.7 million na mga batang Pilipino na may comorbidities ang eligible para sa pagbabakuna kontra COVID-19. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Aiko Miguel)
The post DOH, may paalala sa mga magulang o guardian ng mga batang babakunahan vs COVID-19 appeared first on UNTV News.