MANILA, Philippines — Hindi isinasantabi ng Malakanyang ang posibilidad na mailagay sa COVID-19 Alert Level 2 ang National Capital Region (NCR) sa Disyembre.
Ayon sa tagapagsalita ng Palasyo, ito ay maaaring mangyari lalo na kung magtutuloy-tuloy na bumuti ang sitwasyon ng COVID-19 sa rehiyon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ang datos pa rin ang titingnan ng Inter-Agency Task Force (IATF) bago ito magdesisyon ng alert level sa susunod na buwan.
Kabilang sa mga indicator na pinag-aaralan ng IATF ang daily attack rate, two-week daily average attack rate at ang critical healthcare capacity.
“Titingnan natin ang datos pagdating ng end of the month kasi talagang tayo ay data-driven. Pero hindi po ito mangyayari kung magpapabaya po ang ating mga kababayan,” ani Roque.
“So importante po na habang nandiyan pa si COVID, patuloy po ang ating minimum health standards – mask, hugas, iwas at siyempre po bakuna dahil sagana po tayo ngayon sa bakuna,” dagdag pa ng opisyal. —/mbmf
The post Paglalagay sa NCR sa COVID-19 Alert Level 2, hindi imposible — Malakanyang appeared first on UNTV News.