Inaresto ng mga otoridad ang isang kumakandidato sa pagka alkalde sa North Cotabato matapos na mahulihan ng iligal na droga.
Sa bisa ng search warrant mula sa korte na inihain ng 34th Infantry Battalion at ng Philippine Drug Enforcement Agency, naaresto si Tom Nandang na kilala rin bilang Datukon Nandang dahil sa iligal na droga sa Midsayap, North Cotabato nitong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Midsayap PNP chief Lt. Col. Rolly Oranza, registered voter si Nandang sa Northern Kabuntalan, Maguindanao, at tatakbo bilang mayor ngayong 2022 elections.
Hindi nanlaban si Nandang, subalit tumanggi itong gumagamit siya ng iligal na droga.
Nakuha sa kanya ang sampung malalaking pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng limang milyong piso at isang .45 caliber pistol.
Nasa kustodiya na ngayon ng PDEA-12 ang naturang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —/mbmf (mula sa ulat ni UNTV Correspondent Dante Amento)
The post Kandidato, arestado matapos mahulihan ng iligal na droga appeared first on UNTV News.