MANILA, Philippines – Muling nagpa-alala ang Malakanyang sa publiko na hindi pa maaaring magtungo sa mga pasyalan ang mga menor de edad sa kabila ng pagluluwag ng COVID-19 alert level sa Metro Manila.
Ginawa ng Palasyo ang paalala kasunod ng muling pagdagsa ng maraming tao sa dolomite beach sa Maynila nitong weekend.
Batay sa video na kuha ng UNTV drone, makikita ang kumpulan ng maraming tao sa Manila Bay pati na ang ilang pamilyang may kasama pang mga bata.
Sa dami ng taong dumagsa sa lugar, hindi na nasunod ang social distancing rule at may iba pang hindi maayos ang pagkakasuot ng face mask.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bawal pang pumasok ang mga bata sa dolomite beach sa Manila Bay at iba pang pasyalan.
Una nang sinabi ni Roque na maaari lamang lumabas ang mga bata kung ito ay para sa pangunahing pangangailangan at outdoor exercise.
“Hindi pa po pwede talagang magpasyal-pasyal ang mga bata. So, unang-una nananawagan po kami sa ating mga kababayan, pandemya pa po,” ani Roque.
“Bagama’t bumababa po ang mga kaso natin eh nandiyan pa po si COVID-19. So, huwag po tayong magpabaya… Kinakailangan po mask, hugas, iwas at kung kakayanin na bakuna na,” dagdag pa niya.
Kasalukuyang nasa COVID-19 Alert Level 3 ang Metro Manila, na ang ibig sabihin ay mas maluwag na restriction at pagpapahintulot sa pagbubukas ng mas maraming establisimyento sa limitadong kapasidad.
Ngunit paalala ng Palasyo sa publiko, dapat pa ring mag-ingat at iwasan ang pagkukumpulan dahil sa patuloy na banta ng COVID-19 sa kabila ng mataas na vaccination rate sa rehiyon.
Dapat ring panatilihin ang pagsunod sa health protocols upang maiwasan ang super spreader events.
“Nananawagan din po kami sa kapulisan, siguro diyan po sa Maynila, kinakailangan po ipatupad natin yung social distancing,” ani Roque.
Samantala, muli ring umapela ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag balewalain ang ipinaiiral na health protocols upang huwag nang tumaas pa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
“Katulad po ng lagi nating sinasabi hindi pa po tapos ang laban, andito pa po ang virus. Kailangan po tulong-tulong tayo huwag po tayong maging kampante maaaring lumabas pa ring pero kailangan mag- iingat pa rin tayo lahat,” ang paalala ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Samantala, sinabi naman ni Environment and Natural Undersecretary Benny Antiporda na posibleng limitahan na nila ang dami ang mga papapasuking bisita sa dolomite beach sa Manila Bay upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.
“They can spend about 15 minutes and since hindi po—hindi na po 15 minutes, pinababayaan na po kahit magtagal sa loob, eh titingnan po natin at kahit tuloy-tuloy pa ho, tuloy-tuloy pa yung dating ng tao, maaari hong ibalik namin yung time limit ng pagbisita,” ang wika ni Antiporda. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Rosalie Coz)
The post Mga bata, bawal mamasyal sa dolomite Beach sa Maynila – Malakanyang appeared first on UNTV News.