MANILA, Philippines – Lilimitahan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang bilang ng mga bisitang maaaring makapasok sa Manila Bay dolomite beach.
Ayon kay DENR Undersecretary Jonas Leones, nasa 4,000 bisita lamang ang papayagang makapasok na carrying capacity ng lugar.
“Ang problem lang natin, during weekdays, talagang bumibigla, pumapalo talaga ng hindi na bumababa ng 18,000 and above ang number of persons. So, ang gagawin lang natin, with our strategy, we will meet lang yung carrying capacity ng area mga 4,000 to 5,000 lang ang nasa loob,” ang wika ng opisyal.
Upang mapagbigyan ang iba pang mga bisita na makapasok sa dolomite beach, ipatutupad ang limitadong oras sa pagtigil sa lugar.
Kapag weekend, ipaiiral ang “cinema approach” kung saan may scheduling o may oras ang pagpasok sa lugar.
Palalabasin ang mga ito pagkatapos ng dalawang oras para naman sa iba pang mga bisita.
Kapag dagsa ang tao sa weekdays, ipatutupad naman ang rotation system kung saan maari lang tumigil sa loob ng pasyalan hanggang labinglimang minuto.
Upang maiwasan ang pila sa labas ng dolomite beach, planong gumamit ng DENR ng smartphone app o bigyan ang mga bisita ng stub na maipapakita nila kapag oras na ng kanilang pagpasok.
Bibigyan naman ng special lane ang mga vulnerable sectors gaya ng senior citizens, buntis at may karamdaman.
Pagbabawalan namang pumasok sa dolomite beach ang mga batang may edad 11 pababa, alinsunod sa guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).
“Consistent with the IATF protocols, we followed our determination of the age based on the availability nung vaccination natin. Kung mapapansin ninyo, the government has already implemented the vaccination of 12 years old and above,” ani Leonas.
Layunin ng bagong patakaran na maiwasan na ang pagdagsa ng mga tao gaya nang nangyari sa mga nakalipas na linggo.
Magugunitang, umabot sa mahigit 121,000 indibidwal ang bumisita sa Manila Bay dolomite beach noon lamang araw ng Linggo. Dahil sa dami ng tao, hindi na natupad ang social distancing protocol at may iba pang hindi nakasuot ng maayos ang kanilang face mask.
Isasara naman ang dolomite beach tuwing Biyernes upang bigyang-daan ang maintenance activities.
The post Mga papayagang pumasok sa Manila Bay dolomite beach, hanggang 4K lang; mga bata, bawal – DENR appeared first on UNTV News.