Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Bail hearing ni Sen. Estrada, kinansela ng Sandiganbayan

$
0
0

June 30, 2014 File Photo: Si Senator Jinggoy Estrada (gitna) habang kausap ng kanyang mga abugado sa Sandiganbayan. (UNTV News)

MANILA, Philippines – Magsisimula pa lang ang bail hearing ni Sen. Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan Fifth Division kaninang umaga ay kaagad pinuna ng abogado ng senador ang tila mabagal na usad ng pagdinig.

Pinuna rin nito ang mahabang oras na ginugugol sa pagtestigo ni Benhur Luy sa isang summary proceeding tulad ng bail hearing.

Sinabi naman ng prosekusyon na ang ginagawang pagkuwestiyon ng abogado ni Estrada na si Atty. Samuel Acut ang dahilan kaya humahaba ang pagdinig.

Bago pa man maresolba ang isyu ay umapela na ang prosekusyon na kung maaari ay ikansela muna ang pagdinig dahil hindi maganda ang pakiramdam ni Benhur Luy.

Pumasok ang nurse ng Sandiganbayan at kinunan agad si Luy ng blood pressure.

Pumalo sa 150/110 ang BP ng whistleblower, mataas kumpara sa normal.

“Masakit daw iyong batok niya, medyo red din iyong eyes, medyo nasusuka, signs and symptoms nga na may high blood pressure,” pahayag ni Ryan Buenviaje, Sandiganbayan Nurse.

Bunsod nito, kinansela ng Sandiganbayan ang natakda sanang bail hearing ng senador upang makapagpahinga si Benhur Luy.

Ayon kay Prosecutor Atty. Jose Justiniano, maaring na-stress si Luy sa kanyang sitwasyon.

“Alam naman po natin na iyang hypertension ay maaaring umatake kahit anong oras eh. Maiintindihan naman natin kasi iyang ganyang pag-testify eh stressful din naman talaga iyan,” anang abogado.

Kaugnay nito, dismayado naman ang kampo ni Sen. Estrada dahil halos kahating araw silang naghintay para sa bail hearing ng senador.

Ayon kay Atty. Alexis Abastillas-Suarez, “Of course there’s no other thing for us to think than this is part of, this is one of the delaying tactics ng prosecution.”

Giit pa nito, dapat tiyakin ng prosekusyon na nakahanda ang kanilang testigo bago ito iharap sa korte. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481