MANILA, Philippines – Tinalo ng Team Legislators ang Team Executives, 87 – 82, sa pagbubukas ng second round eliminations ng UNTV Cup off-season games, Clash of the Three na idinaos sa Ynares Sports Arena.
Dahil sa panalo ay lalong napatatag ng mga mambabatas ang kapit sa liderato ng torneo na ngayon ay may kartadang 3 wins at zero loss, habang nalasap naman ng Executives ang ikatlong sunod na kabiguan sa natatanging basketball tournament for a cause.
Pinagbidahan ni Niel Tupas III ang koponan ng Legislators sa kanyang 26 points, kabilang ang apat na three points, kung saan dalawa dito ay kanyang ginawa sa krusyal na bahagi ng fourth period.
Samantala, muli namang dinomina ng Team Media ang exhibition match kontra Team Judiciary sa unang game ng double-header, 76 – 64.
Pinangunahan ni Cyril Santiago ang atake ng Media sa kanyang nairehistrong double–double, 22 points at 10 rebounds performance, habang nag-ambag ng 19 points si Anton Tolentino at 10 points si Mr. Public Service Kuya Daniel Razon sa paglampaso sa Judiciary. (Rheena Villamor / Ruth Navales, UNTV News)